53 aftershocks naitala sa Negros Island matapos ang 4.7 magnitude na lindol

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2020 04:02 AM

Nakabalot sa ulap ang Bulkang Kanlaon matapos yumanig ang isang 4.7-magnitude na lindol ang Isla ng Negros.

Aabot sa 53 na aftershocks ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa isla ng Negros mula alas 5 ng umaga hanggang alas 4 ng hapon nitong Lunes. 

Ito'y matapos yanigin ng magnitude 4.7 na lindol ang isla.

Bago pa ang 53 aftershocks, may naitala nang 136 na volcano-tectonic earthquakes ang Phivolcs sa 24 oras na observation period nito hanggang 5 am ng Lunes, kasama na rito ang apat na malalakas na lindol.

Pero ayon kay Mari-Andylene Quintia, resident volcanologist, hindi nila matukoy kung may lumabas na steam sa bunganga ng Bulkang Kanlaon dahil sa natabunan ito ng ulap buong araw.

Marso 1 pa isinailalim sa alert level 1 ang bulkan.

Nag-briefing na ang ang Phivolcs sa pamahalaan ng La Carlota City na isa sa pinakamalapit na lungsod sa bulkan para mapaghandaan sakaling pumutok ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.