49 sangkot sa ilegal na sabong sa Batangas City, kinasuhan na

Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2020 01:11 AM

BATANGAS CITY - Kinasuhan na ng National Bureau of Investigation (NBI) Region 4-A ang 49 sangkot sa ilegal na pagsasabong at paglabag sa general community quarantine sa Batangas nitong Linggo.

Naaresto ang mga suspek sa isang raid noong sabado sa isang pribadong subdivision sa Batangas City.

Dalawa sa 49 suspek ang nakatakas. Kinilalang si Bienvenido Uri na isang negosyante at Edgardo Tinio na isang retiradong police officer.

Bagama't wala sa kustodiya ng NBI, sinampahan na ng kaso sina Uri at Tinio kasama ang 47 na iba pa.

Ayon kay NBI Region-4A Director Max Salvador, marami ang tumawag sa kaniya para makipag-usap tungkol sa mga nahuli.

"If we cannot solve the problem don’t be the problem... This is the pandemic, mga pasaway let us not be pasaway, di ito nakukuha sa pera o ano o sa koneksyon," aniya.

Napadalhan na ng subpoena Lunes ng umaga ang presidente ng subdivision, maging ang kapitan ng barangay na nakasasakop sa lugar.

Pinuntahan ng ABS-CBN News team ang subdivision pero sabi ng security ay nasa labas ang presidente nito.

Ayon kay chairman Garry Panopio ng Barangay Pallocan East, wala siyang alam na may nangyayaring ilegal na sabong sa loob ng subdivision na nasasakupan ng barangay.

"Unang una private property, 'di namin alam, 'di ko rin puwedeng pasukan ang establisyimento nang wala tayong search warrant. Pangalawa nung ako ay nag -inspeksyon noong June 12 kasi holiday 'yun eh, wala naman ako natagpuan na laban wala naman ako maire-report na mayroon. Ito nga lang nagulat na lang ako nito lang ng nagkahulihan na," paliwanag niya.

Ikinadismaya ng pamunuan ng Department of the Interior and Local Government Batangas ang pangyayari, lalo at kinumpirma ng NBI na may pulitiko, police personnel, negosyante at retiradong police officer na sangkot sa ilegal na gawain.

"Siyempre po nakakalungkot na may mga ganun pong pagkakataon at pangyayari ano po, pero kami po ay once na binigyan ng instruction ay susundin po namin kung ano po ang kanilang sasabihin kung for suspension or whatever basta we will wait for instruction ng higher management," ani Abigail Andres, provincial director ng DILG Batangas.

Paalala rin ni Andres sa mga nasa posisyon na sila dapat ang maunang sumunod sa batas.

"Please since tayo po ang nasa posisyon na nagpapatupad po ng mga batas lalong lalo na po ngayon na tayo ay nasa pandemic, sana naman po yung mga officials na let's be responsible... Kagaya nga ng sinasabi ng ating presidente dapat sa atin magsimula ang mga sistema na ating ipinatutupad, dapat tayo ang unang susunod," aniya.

Sinusubukan rin ng news team na kunan ng pahayag ang Batangas Provincial Government at Batangas City Government tungkol sa insidente.

Hindi naman muna nagbigay ng pahayag ang Police Regional Office Calabarzon tungkol sa nangyaring operasyon dahil hindi pa umano nila natatanggap ang kopya ng report ng NBI.