2 tiklo sa paggawa at bentahan ng voter’s ID

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2020 05:51 PM | Updated as of Jun 23 2020 08:53 PM

Hindi na nakapalag pa ang suspek nang mahuli sa loob ng isang courier service sa Iligan. Roxanne Arevalo, ABS-CBN News


Dalawa ang arestado sa magkahiwalay na operasyon ng National Bureau of Investigation kaugnay sa paggawa at pagbebenta umano ng voter’s ID online. 

Unang naaresto si Sittie Ainah Hadji Nasser sa loob ng isang courier service sa Iligan kung saan kinatagpo umano nito ang nagpanggap na buyer na bumili sa kaniya online ng voter’s ID noong Hunyo 19. 

Nakuha mula sa kaniya ang 16 pa na ID na ipadadala sana sa mga umorder nito mula sa iba’t ibang probinsiya at lungsod. 

Ayon kay Nasser, reseller lang siya at may tagagawa nito sa Marawi City. Binibili umano niya ito sa halagang P600 at ibinebenta rin niya ng P1,500. 

Dagdag pa niya, pangalan lang at address ng bumibili ang kaniyang kinukuha at ibinibigay sa encoder pero may access ang encoder sa data ng Commission on Elections (COMELEC). 

“Lumilitaw naman 'yung pangalan kasi mayroon sila nung complete list, kahit saang lugar mayroon sila,” sabi niya. 

Nahuli rin ang encoder na si Rajiv Cali sa ginawang follow-up operation ng NBI sa Marawi City. 

Ayon kay NBI Chief Abdul Jamal Dimaporo, mga unclaimed voter’s ID sa COMELEC ang ginamit ng mga suspek. 

“Original kasi hologram ng COMELEC mismo. 'Yung QR code niya original din. Ang question natin doon kasi paano nila nakukuha 'yung data ng tao,” sabi ni Dimaporo. 

Hinahanap na rin nila kung aling COMELEC office ang nawawalan ng unclaimed voter’s ID. 

Kinasuhan na ang mga suspek ng falsification of public documents at paglabag sa Data Privacy Act.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.