Suspek sa pagpatay sa customs broker sa Las Piñas, arestado sa Ozamiz City

Dynah Diestro, ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2019 08:35 PM

OZAMIZ CITY - Arestado sa Ozamiz City, Misamis Occidental ang isang suspek sa pagpatay sa isang customs broker sa Las Piñas City.

Kinilala ang suspek na si Jerome Adolfo, 47 taong gulang.

Sabado nang maaresto si Adolfo sa bahay nito sa Barangay Gango matapos ihain ng mga awtoridad ang warrant of arrest na inilabas ng Branch 201, Regional Trial Court, National Capital Judicial Region ng Las Piñas City noon pang 19 ng Disyembre 2016.

Siya ang suspek sa pagpatay sa customs broker na si Benjamin Almenario Jr. noong Abril 2016 sa Las Piñas City matapos niya itong pagnakawan.

Magtatatlong taon ding nagtago mula sa batas ang suspek.

Ayon kay Police Captain Dennis Tano, deputy chief ng Ozamiz City Police Station, taga-Ozamiz si Adolfo at sangkot din ito sa ilegal na droga bilang user.

Nahaharap sa kasong robbery with homicide si Adolfo. Nakatakda siyang ibyahe papuntang Maynila sa linggong ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.