Pulis sinaksak ng illegal gambling suspect sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2019 08:56 PM

MAYNILA -- Sugatan ang isang pulis matapos saksakin ng isa sa 5 inaarestong suspek sa ilegal na pagsusugal sa Caloocan City noong gabi ng Sabado.

Hinuli ng mga pulis sa may Agape Street, Barangay 178 ang 5 lalaki matapos maaktuhang lumalahok sa ilegal na sugal na "tupada," ayon sa ulat ng Northern Police District (NPD).

Sa gitna ng pag-aresto, nanlaban ang isa sa mga suspek at sinaksak sa tiyan gamit ng gaff (tari) si Police Cpl. Lord Byron Tolentino, sabi ng NPD.

Dinala si Tolentino sa ospital para gamutin ang tinamong sugat.

Narekober sa mga suspek ang 2 panabong na manok, 2 tari, at perang ipinansugal.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1602 habang makakasuhan ng direct assault with frustrated homicide ang nanaksak na suspek.

--Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.