Nasa 10 tindahan, nasunog sa palengke sa Zamboanga del Sur

Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2019 06:21 PM

Umabot sa sampung mga tindahan ang nasunog Linggo ng umaga sa Agora Public Market sa bayan ng Margosatubig, Zamboanga Del Sur.

Ayon sa Bureau of Fire Protection sa Margosatubig, nagsimula ang sunog sa tindahan ni Abidin Macabada.

Sa paunang imbestigasyon ng mga bombero, nagre-repack ng umano ng gasolina sa mga oras na iyon ang isa sa mga tagabantay sa tindahan ni Macabada nang mangyari ang sunog.

Dahil walang kuryente sa lugar ng mga oras na iyon, gumamit ito ng kandila na maaaring pinagsimulan ng sunog.

Sa tala ng BFP, aabot sa kalahating milyong piso ang nasirang mga ari-arian.

Wala namang naiulat na nasaktan o nasugatan sa sunog.

Patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng BFP sa nangyaring sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.