SOCO: 18-anyos na estudyante, pinagsasaksak sa rambol

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2018 03:25 PM

 

Patay sa apat na saksak sa katawan ang 18-taong gulang na si John Ernest “Joer” Rivera matapos atakihin ng mga miyembro ng Youth Scorpion fraternity nitong Pebrero 9, 2018 sa Makati.

Ayon sa mga kasamahan ng biktima, inabangan daw sila ng naturang grupo sa harap ng eskuwelahan. Nang magkaroon ng rambol, nabaling raw ang atensyon ng grupo kay Rivera.

"Nakita po namin si Joer na hinahabol na po siya ng karamihan ng mga [miyembro] po ng Youth Scorpion,” kuwento ni alyas “Aris,” isa sa mga kaibigan ni Joer. 

"Doon na po siya sinaksak-saksak.”

Sa kuha ng CCTV sa nasabing lugar, makikita ang dami ng tao na nakakita sa insidente, pero walang naglakas-loob na tumulong o umawat.

“Sa dami-dami po ng tao doon, wala pong gustong [tumulong]. Ang dami na pong dugong nawala sa kaniya, eh kasi po wala pong gustong magsakay,” ayon kay alyas “Wayne,” isa rin sa mga kasamahan ng biktima.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alamang hindi ganap na organisasyon ang grupong Youth Scorpion. Pananakot at dahas daw ang paraan nila para makapag-recruit ng miyembro.

Dati na rin daw nasangkot sa gulo ang mga miyembro ng grupo, pero karamihan sa mga insidente ay hindi na naire-report dahil sa takot.

Nahuli sa follow-up operation ang tatlo sa mga suspek, habang dalawa naman ang nagtungo sa himpilan ng pulisya at kusang sumuko.

Kinasuhan na ang dalawang suspek na sina Jim Leo Villanaba at Earlbert Solera. Kasalukuyang nakapiit ang dalawa sa Makati City Jail. 

Hindi na rin humarap sa "SOCO" ang mga suspek nang hingan ng panig.

“Nasampahan natin sila lahat ng murder case at saka frustrated murder at ‘yun naman ay kinatigan ng hukuman. Hanggang sa ngayon ay patuloy na nagta-trial,” ayon kay SPO3 Ador Robles, imbestigador na may hawak sa kaso. 

Nasa pangangalaga na ng Department of Social Welfare and Development ang tatlong menor de edad na sangkot rin sa insidente.

Nananatili namang takas sa batas ang sumaksak kay Rivera na si Ryan Joseph Barduguillo. Hindi pa rin nahuhuli ang iba pang suspek na sina Tristan Kyle Macainan, Ivan Fernandez at anim na miyembro na hindi pa napapangalanan. 

Hanggang ngayon ay labis ang pagdadalamhati ng kaanak ng biktima.

“Nung nakita ko talaga siya, hindi mo mapipigilan 'yung bugso ng damdamin mo na talagang parang ang sakit dahil nga hindi mo naman aakalain na ganon 'yung mangyayari,” sabi ni Anthony John, kapatid ng biktima.

“'Yung mga hindi pa nahuhuli, sana po makonsensiya sila at sumuko sila para po tuluyang mabigyan ng hustisya 'yung brother ko,” dagdag niya.

Para sa buong kuwento, panoorin ang “SOCO” ngayong Sabado, 4:15 p.m. sa ABS-CBN.

Sundan ang SOCO sa Facebook (fb.com/SOCOtv) at Twitter (@SOCOtv) para sa iba pang detalye.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.