Mga lokal na ordinansa at kampanya kontra tambay, pinag-iibayo sa Iloilo

Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2018 11:58 AM

Kinumpiska ng awtoridad ang alcoholic drinks na iniinom ng ilang customer ng mga tindahan sa mga kalsada sa siyudad. Pinangaralan din nila ang mga nagbebenta tungkol sa pag-inom sa kalsada. Joyce Ann Clavecillas, ABS-CBN News


ILOILO CITY – Isang malawakang kampanya kontra tambay ang inilunsad Biyernes ng gabi ng iba’t-ibang estasyon ng pulisya sa lungsod na ito.

Ang naturang kampanya ay naglalayong pag-ibayuhin ang information dissemination tungkol sa local ordinances tulad ng anti-smoking, curfew on minors at ang pagbabawal sa pag-inom ng alak sa mga kalsada mula alas-11 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

Isinagawa ito ng pulisya bunsod ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan na maaaring may dalang panganib ang pagkalat ng mga tambay sa lansangan. 

Nilinaw naman niya Biyernes na hindi niya ipinag-utos ang pag-aresto sa mga tambay dahil hindi labag sa batas ang loitering. 

Sa operasyon, kinumpiska ng awtoridad ang alcoholic drinks na nahuli nilang iniinom ng ilan sa mga kalsada. Pinaalalahanan din nila ang mga tindahan na nagbebenta ng alak na bawal ang mag-inom sa kalsada.

Bukod dito, sisiyasatin din ng awtoridad ang mga tumatambay ng walang dahilan sa mga kalsada.

“Kung loitering, without purpose, ang gagawin namin is talk to them and frisk them. ‘Yun naman is allowed by the law, ‘yung frisking. Lalo na ‘yung may suspicious actions,” paliwanag ni Supt. Jonathan Pablito, station commander ng Police Precinct 1.

Tututukan rin ng pulisya ang mga grupong gumagala sa lungsod lalo na sa gabi dahil posibleng miyembro sila ng mga gang.

“We will talk to them, kasi inviting trouble ‘yun, ‘yung kursunada-kursanada or baka mag-gang war,” dagdag ni Pablito.

Manghuhuli lamang sila kung may makikitang lalabag sa anumang ordinansa o batas.
 
Samantala, nag-aalala naman ang mga nagtitinda ng alak sa mga kalsada na makaapekto ang implementasyon ng lokal na ordinansa at kampanya laban sa mga tambay sa kanilang kita.

Bukod sa pulisya, ang Iloilo City Anti-Smoking Task Force at Task Force sa moral at values formation ay sumama na rin sa kampanya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.