Ilang bayan sa Albay, nagsuspinde ng klase dahil sa nakaambang transport strike sa Lunes

Thea Omelan, ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2018 05:08 PM | Updated as of Jun 23 2018 06:06 PM

(UPDATED) Nagdeklara na ng suspensiyon ng klase sa ilang mga bayan sa Albay dahil sa ikakasang transport strike sa rehiyon na pangungunahan ng CONDOR-PISTON sa Lunes.

Ipinaubaya ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ng Albay ang desisyon sa pagsuspinde ng klase sa mga lokal na pamahalaan.

Kabilang sa mga bayan na nagdeklara ng suspensiyon ay Legazpi City, Daraga, Camalig, Guinobatan, Jovellar, Polangui at Sto. Domingo.

Wala ring pasok sa lahat ng antas sa Tabaco City.

Hinihintay pa hanggang Linggo kung magsususpinde rin ng klase sa ibang bayan at lungsod.

Ayon sa CONDOR-PISTON Bicol, inaasahang 95 porsiyento ng transportasyon ang mapaparalisa.

Ito ang kanilang sagot sa panawagan na mass action sa Lunes upang ipahayag ang kanilang hinaing sa epekto ng tax reform law sa mga drayber at operator.