Employer na nagkakaltas ng 'savings' sa suweldo, inireklamo

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2018 07:24 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Ilang manggagawa ng isang kompanya ang nagreklamo sa "Tapat Na Po" dahil kinakaltasan umano ang kanilang suweldo para sa Social Security System (SSS), Pag-IBIG Fund, at PhilHealth pero hindi naman ito nire-remit sa mga ahensiya. 

Bukod dito, binabawasan din umano ng Cooperative On Outsourcing Requirements Services (COORS) sa Pasig City ang suweldo nila para sa tinatawag na "savings" na makukuha raw kapag nagbitiw na sila sa trabaho.

"Pasa-pasa at kung sino-sino na naka-usap namin don, wala pa ring aksiyon... Imagine ang naging hulog lang namin dalawang buwan sa 2018, nasan 'yung 2017?" hinaing ng empleyadong si Karessa Laureano.

Si Louise Matilos, nagsimulang magtrabaho noong 2017 pero nagbitiw na noong Abril 2018. Laking gulat niyang kulang ang ni-remit ng kompanya na bayad niya sa mga ahensiya ng gobyerno.

"Iyung benefits po namin hindi po siya updated. Di talaga bayad. 'Yung sa akin bayad ng 3 months, after that wala na. 'Yung ibang kasama namin as in full year wala silang bayad," aniya.

Ang iba raw nilang kasama na matagal nang nag-resign, hindi pa rin nakukuha ang "savings" na kinaltas. 

Sa pahayag ng COORS, iniimbestigahan na raw nila ang mga reklamo.

"The board and the management of the Cooperative On Outsourcing Requirements Services is currently taking its internal investigations regarding this matter... We have already stopped the automatic deduction this year," anila.

Inamin din ng kooperatiba na posibleng delayed ang bayad nila sa social benefits ng mga empleyado pero nangakong ihahabol nila ang hulog.

Idinulog ng Tapat Na Po sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang problema.

Giit nila, bawal daw na hindi i-remit ang ikinaltas para sa social benefits.

"Puwede sila pumunta sa regional office ng DOLE at mag-file ng complaint at agad-agad naman po ang DOLE ipatatawag ang kompanyang ito," ani Ma. Teresita Cucueco, opisyal ng DOLE.

May natuklasan din ang DOLE sa pag-check ng record ng COORS.

"Expired po ang registration nila. Naka-register sila sa amin February 17, 2015 [at] nag-expire noong February 16, 2018," ani Cucueco.

Nangako ang DOLE na tutulungan nilang maibalik ang "savings" ng mga empleyado pero dapat daw dumulog sila sa SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG Fund para habulin ang ikinaltas sa kanilang suweldo na hindi naihulog.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.