16-anyos na babae natagpuang patay sa Davao City

Cheche Diabordo, ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2018 12:58 PM

Patay na nang matagpuan ang isang 16-anyos na babae sa Davao City noong Hunyo 22, 2018. Cheche Diabordo, ABS-CBN News

DAVAO CITY - Natagpuang patay sa isang liblib na lugar dito nitong Biyernes ng gabi ang 16-anyos na babaeng hinihinalang ginahasa.

Nakita ang bangkay ng dalaga ng kaniyang nakatatandang kapatid sa labas ng isang abandonadong bahay sa Bago Gallera.

Ayon sa kapatid ng biktima, hinanap niya ang dalaga dahil higit isang oras na umano siyang di umuuwi matapos magpaalam na magpapa-load lang sa isang tindahan.

Wala na rin umanong suot na pang-ibaba ang babae nang matagpuan at may takip na plastik ang bangkay.

Nahuli rin naman agad ang 35-anyos na lalaking suspek. Nakita kasi ng mga awtoridad ang mga personal na gamit niya sa pinangyarihan ng insidente.

Nakakulong na sa Talomo Police Station ang suspek na haharap sa kasong homicide.

Ayon sa Scene of the Crime Operatives, may mga sugat sa iba’t ibang parte ng katawan at ulo ang biktima na hinihinalang hinampas ng matigas na bagay na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.

Isasailalim naman sa autopsy ang bangkay ng biktima para makumpirma kung hinalay nga ito. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.