Pagkain, mas kakailanganin sa Marawi sa pagtatapos ng Ramadan

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2017 06:00 PM

Patuloy na nawawasak ang mga gusali sa sentro ng Marawi City sa bakbakan doon na tumagal na ng isang buwan. Fernando G. Sepe Jr., ABS-CBN News

Sa pagsapit ng unang buwan ng bakbakan sa Marawi, tuloy pa rin ang paggulong ng tulong para sa mga pamilyang apektado ng gulo. Gayunpaman, habang nalalapit ang pagtatapos ng Ramadan, mas maraming pagkain na ang kakailanganin ng mga 'bakwit' na Muslim.

Kailangan ng mga 'bakwit' na nananatili sa kapitolyo ng Marawi ang mas maraming pagkain lalo na't palapit na ang Eid al-Fitr, o ang pagtatapos ng Ramadan, ayon sa isang opisyal noong Biyernes. 

Sa pagtatapos ng Ramadan, kailangan nang mamahagi ng pagkain tatlong beses sa isang araw, kaya nangangailangan pa ng mas maraming pagkain ang mga 'bakwit' sa Marawi, ayon kay Zia Alonto Adiong, ang tagapagsalita ng Marawi Crisis Management Committee.

"We are actually in need of provisions. The immediate concern is food (because) by the end of Ramadan, we have to distribute food three times a day," ani Adiong.

Mahalagang pagdiriwang ang pagtatapos ng Ramadan dahil dito magtatapos ang isang buwang pag-aayuno ng mga Muslim. Karaniwan din silang nagkakaroon ng pista kasama ang kani-kanilang pamilya.

Nasa P8 milyon ang ginastos ng lokal na pamahalaan para sa isang buwang supply ng pagkain at iba pang pangangailangan ng 475 pamilyang nananatili sa kapitolyo at may 1,000 pamilyang nakikitira sa kanilang mga kamag-anak sa mga kalapit na barangay, ayon kay Adiong.

Mamamahagi naman ang Department of Social Welfare and Development ng mga Ramadan food pack na naglalaman ng mga panggawa ng pansit at fruit salad sa mga Muslim na 'bakwit' sa Lunes. 

Nasa P1,000 Ramadan cash assistance naman ang ibibigay sa bawat pamilya upang tulungan silang ituloy ang kanilang tradisyon bilang mga Muslim, ayon kay Department of Social Welfare and Development Secretary Judy Taguiwalo. 

Nagbigay na rin ng ayudang gamot at medical equipment ang Israel sa mga pamilyang apektado ng bakbakan sa Marawi.

Samantala, nagsabi na rin ang Australia na magpapadala ito ng dalawang military surveillance aircraft upang tulungan ang militar ng Pilipinas sa pakikipagbakbakan sa mga teroristang grupo. 

Matapos ang isang buwan, patuloy pa rin ang pakikipagbakbakan ng militar sa mga teroristang grupo sa Marawi City. Ito rin ang dahilan kung bakit mahigit 200,000 pamilya ang napilitang lumikas sa nasabing lungsod.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.