1 buwan ng bakbakan: Mga 'bakwit', nagugutom; militar, humiling ng palugit

ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2017 06:53 PM | Updated as of Jun 24 2017 01:13 AM

Isang buwan na ang nakalipas mula nang isailalim ng Pangulong Rodrigo Duterte ang buong Mindanao sa ilalim ng martial law, ngunit tuloy pa rin ang bakbakan sa Marawi at hindi pa masabi kung kailan makababalik sa kani-kanilang tahanan ang mga lumikas na residente.

Hindi rin matukoy ng militar kung kailan matatapos ang bakbakan, at humingi na rin sila ng palugit sa naunang deadline na June 12 na itinakda ng kanilang commander-in-chief, ayon sa lokal na pamahalaan ng Lanao del Sur.

Maingay ang naging salubong ng umaga ng Biyernes sa Marawi ngayong unang buwan ng batas militar sa Mindanao. 

Pero kahit hindi pa rin natatapos ang problema sa Marawi, ang giit ng militar, naiwasan ang pagkalat ng terorismo sa labas ng Marawi dahil sa batas militar. 

Wala ring ulat ang Commission on Human Rights na may militar na umabuso sa martial law. 

"The said success is attributed to the aggressive security operations of our units; the tightened security measures being implemented in the area; the active coordination and collaboration of other law enforcement agencies, local government units, and the support of the general public," ayon kay Brigadier General Gilbert Gapay, martial law chief at spokesman.

Puna naman ng ilang mambabatas, imbis na makatulong, naging sanhi pa ng humanitarian crisis sa Marawi at Lanao del Sur ang batas militar dahil sa dami ng sibilyang apektado ng bakbakan. 

"There is extreme misery and horrific conditions particularly in Marawi because of the extensive inordinate show of might of the military," ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman. 

Tila naman nairita na ang Palasyo sa mga batikos sa martial law dahil sa ngalan naman ito ng kaligtasan ng publiko.

"You know, what don't you get about that? You know, I think it is about time that we really just grew up and became more mature, and became more politically more sophisticated and actually, aside from that, we're really just more concerned and supportive of one another," ayon kay presidential spokesman Ernesto Abella.

Unahin ang mga anak 

Gayunpaman, marami sa mga 'bakwit' ang hindi na naiisip ang gulo sa Marawi, at mas inuuna kung paano pakakainin ang mga bata. 

Isa na rito ang amang 'bakwit' na si Candidato na iniintindi ngayon kung saan makahahanap ng gamot para sa anak nitong may sakit na 'hydrocephalus' at kasalukuyang inaapoy ng lagnat.

Inilapit na niya ang bunso sa Red Cross upang malaman kung paano madadala sa ospital ang bata. 

Isa lamang si Candidato sa mga 'bakwit' na itinuturing nang luho ang makakain nang maayos sa maghapon sa evacuation center. 

Maaari namang matagalan pa bago masolusyunan ito, pati na ang bakbakan sa Marawi dahil humingi pa ng palugit ang militar para sa kanilang operasyon sa Marawi, ayon sa lokal na pamahalaan. 

"Military naman talaga ay nanghingi na ng palugit na, trying to tell the people, they express their concern that… you know the… 'yung sinet nating deadline, 'yung gusto nating mangyari although gusto na talaga natin as the target date. Pero hindi natin ma-achieve because of this considerations," ayon kay Zia Alonto Adiong, assemblyman ng Autonomous Region in Muslim Mindanao. 

Sa tala ng militar ngayon, may namatay nang 280 na terorista at 69 sa panig ng gobyerno. Nasuyod na rin ang 85 gusali, at nasagip ang 1,633 sibilyan.

Tulong mula sa loob at labas ng bansa

Sa kasalukuyan, iba-ibang tulong naman ang dumarating ngayon mula sa loob at labas ng bansa. 

Naglaan ng P10 bilyong piso ang Philippine Amusement and Gaming Corporation para sa muling pagbangon ng Marawi.

Mayroon namang kasunduan ang Indonesia, Malaysia, at Pilipinas upang maiwasan ang pagpasok ng mga teroristang grupo. 

Bukas din ang pamahalaan sa anumang tulong na darating mula sa ibang bansa upang masugpo ang gulo sa Marawi. Nauna nang nagpahayag ang Australia na magpapadala ng mga military surveillance aircraft upang tulungan ang militar ng Pilipinas sa pakikipagbakbakan sa mga teroristang grupo.

Inaasahang matatapos ang batas militar 60 araw matapos itong ideklara, maliban na lamang kung ibasura ito ng Korte Suprema o humirit din ng extension ang pangulo sa Kongreso.

-- Ulat nina Jorge Cariño, RG Cruz, at Vina Araneta, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.