SANKT AGUSTIN - Sa kauna-unahang pagkakataon idinaos ang Ube Fesitival sa Germany para sa Filipino community. Siksik sa aktibidad ang selebrasyon at hindi nawala ang pagtatampok sa iba-ibang pagkaing may ube o purple yam.
Sa pagsisimula ng pagdiriwang, nag-Flash Mob pa ang mga empleyado ng Philippine consulate, Team blended at Filipino community organizations sa Sankt Agustin, North Rhine-Westphalia para ipagdiwang ang kauna-unahang Ube Festival sa Germany.
“Kahit magkakaiba ang mga Pilipino ay nagtagpo-tagpo at nagkaisa para mag-celebrate o suportahan ang Ube Festival na ito,” sabi ni Beth Omagap, Pinay mula Frankfurt.
“Parang ang puso po namin ay bumuka at nagkita-kita ang buong kababayan natin dito sa Germany,” sabi Victoria Becker, Pinay mula Heinsberg.
May banal na Misa, may iba-ibang ring pakulo at food stalls para ibida ang ube.
Hindi syempre mawawala ang ube halaya, halo-halo, ube cake, otap na ube, ube na may gata, ube cup cake, stik-o na ube, at marami pang iba.
Kapag ube ang pag-uusapan, agad pumapasok sa isip ang popular na rootcrop sa Pilipinas: ang ube. Pero ayon sa konsulado, may malalim na mensahe at sinisimbolo ang ube.
“We are looking at ube now as a vehicle to unite Filipinos because, ube transcends social classes, men, women, rich, poor, regardless of political leanings, Filipinos love ube. So there is really a big potential for ube to be a unifying factor for all Filipinos. In this case, pwede natin siguradong sabihin na ang ube ay ang unofficial pambansang kulay ng Pilipinas,” paliwanag ni Marie Yvette Banzon-Abalos, PH Consul General sa Frankfurt.
Samantala, pumarada rin ang mga naggagandahang Pinay at Filipina-Germans sa tradisyunal na Santacruzan.
“With the international awareness of ube, we´re hoping to encourage international partnerships, including from Germany, to help the local ube industry in the Philippines develop,” dagdag ni Banzon-Abalos.
Binuksan din ang exhibit ng Pinoy painter artists na pinangunahan ng Kunst Filipino, na may mga obrang tungkol sa ube.
Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa Europa, Gitnang Silangan at Africa, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.