PatrolPH

Online fundraising, inorganisa para sa mga biktimang Pinoy sa New Zealand road crash

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2022 03:00 PM

Bumuo ng fundraising drive ang isang Pinay sa New Zealand para umalalay sa pamilya ng ilang kababayang biktima ng road crash noong Linggo.

Pinangunahan ng Filipino community leader na si Lani Larsen ang online fundraising para makalikom ng $100,000 upang makatulong sa gastusin sa pagpapalibing sa 5 namatay at pagpapagamot ng 2 pang nasa ospital.

Ayon sa Embahada ng Pilipinas sa Wellington, nasawi ang 5 miyembro ng pamilya habang nagpapagaling pa ang 2 matapos mabangga ang kanilang sinasakyan sa State Highway 1, Mount Pleasant sa Marlborough region noong Linggo, batay sa impormasyon ng New Zealand Interpol.

Sinimulan nitong Martes ang fundraising, at makalipas ang 1 araw ay umabot na sa higit $63,000 ang nalikom na pondo mula sa halos 1,500 donors.

Umaasa si Larsen na marami pang magbibigay ng donasyon.

"Sa kasalukuyan, ang mga families nila ay talagang... it's very traumatic at nahihirapan sila sa kanilang hinaharap ngayon. Siguro naman, kung mayroong magandang loob na magtulong para sa kanila, they will appreciate it very much," ani Larsen.

"Tayong mga Filipino, tayo ay magtutulungan, kapit-bisig tayo at kailangan nating tulungan ang kapwa Filipino saan man tayong panig ng mundo. Kami dito sa New Zealand ay nagtutulungan so kami ay nananawagan sa mga Filipino sa Philippines na tayo, magtulungan din," dagdag niya.

Ayon sa Embahada, bumisita na ang mga opisyal nito sa Wellington Regional Hospital para magpaabot ng pakikiramay at tulong sa mga nakaligtas sa insidente.

Nakikikipag-ugnayan din umano ang Embahada sa Department of Foreign Affairs para sa iba pang pangangailangan ng mga biktima at kanilang pamilya.

"The devastating news has shaken New Zealand as a nation, especially the local Filipino community. The Embassy reiterates its assurances of its readiness to assist," sabi ng Embahada sa pahayag.

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.