MAYNILA - Naitala ang pagtaas ng presyo ng gulay na aabot ng P60 hanggang P100 sa ilang pamilihan sa Kamaynilaan, habang nagsisimula ang tag-ulan ngayong taon.
Sa Kamuning Market, nasa P290 hanggang P300 kada kilo mula sa dating presyo nitong P120 kada kilo ang brocolli.
Ang cauliflower nasa P280 kada kilo mula P100 kada kilo.
Ang repolyo, nasa P140 kada kilo na ngayon mula P80 kada kilo.
Habang ang French Beans, nasa P200 hanggang P250 kada kilo mula P120 kada kilo.
Nasa P20 naman ang itinaas na presyo ng ilang lowland vegetables gaya ng ampalaya, pechay tagalog, talong, at kamatis, batay sa monitoring ng Department of Agriculture (DA).
Paliwanag ni DA Region 3 Director Crispulo Bautista, nasa huling bahagi na ng harvest period ang mga kamatis na maselan sa sobrang tubig kaya ito nagkaroon ng taas-presyo.
"Nasa last stage ng harvesting ang mga tanim na kamatis. Maselan kasi sa sobrang tubig ang kamatis. Nag-umpisa na kasi tag-ulan. Di siya tulad ng ibang gulay," aniya.
Pero nagtataka naman ang DA sa pagtaas ng presyo ng ilang lowland vegetables lalo na at wala pang dumaraan na bagyo sa mga probinsiyang nagtatanim ng mga gulay.
"Dapat po, hindi tumataas kasi ang ganda ng weather and we have to see to it na walang maaantala, na there should be no restriction of movements," ani DA Secretary William Dar.
Paliwanag ng ilang magsasaka sa Benguet, apektado ng maulang panahon ang mga gulay at nagkasabay-sabay na magtanim noong nakaraang dalawang buwan kaya naubos ang mga hina-harvest.
"'Yung timing ng pagtatanim ng mga farmers last month, two months, nagkasabay-sabay 'yung pag-aani, ngayon paubos na 'yung gulay. Kasi tag-ulan na kaya kakaunti ang broccoli. 'Yung french beans at saka broccoli at saka cauliflower, talagang affected na po pagka tag-ulan," ayon sa magsasakang si Edward Haight.
Gayunpaman, humihingi ng tulong ang mga magsasaka sa Benguet dahil may mga gulay rin ngayong sobra-sobra ang suplay kaya bagsak-presyo nilang ibinebenta gaya ng sayote at patatas.
Paliwanag nila malaki umano ang epekto ng matumal na bentahan dahil sa nagpapatuloy na COVID-19 pandemic, kaya maraming biyahero ang nagbawas ng dinadalang gulay sa Metro Manila.
-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
TV Patrol, PatrolPH, Tagalog News, rain, vegetables, gulay, consumer, konsyumer, Benguet, Department of Agriculture, Agriculture, agrikultura, price patrol