PatrolPH

1 patay, 3 sugatan sa aksidente sa motorsiklo sa Capiz

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2021 05:30 PM

1 patay, 3 sugatan sa aksidente sa motorsiklo sa Capiz 1
Magka-angkas sa isang motorsiklo ang apat na menor de edad nang maaksidente sa Barangay Poblacion sa bayan ng Tapaz sa Capiz. Larawan mula sa Tapaz Police 


Patay ang isang 13-taong gulang na dalagita habang sugatan naman ang tatlo pang menor de edad na kasama nito matapos maaksidente sa sinasakyang motorsiklo sa Barangay Poblacion, bayan ng Tapaz, Capiz, Lunes ng gabi.

Sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na ang apat na menor de edad sa Barangay San Jose sakay sa isang motorsiklo pero nawalan ng kontrol ang driver nito pagsapit sa pakurbadang kalsada sa lugar hanggang sa tuluyang bumangga sa poste ng kuryente.

Sa lakas ng pagkabangga ay tumilapon ang apat na sakay ng motorsiklo.

Kaagad namang nadala sa ospital ang mga biktima pero idineklarang dead on arrival ang isa sa kanila matapos magtamo ng malubhang sugat sa ulo.

Samantala, nasa ligtas na kalagayan na ang tatlo at nagpapagaling na sa ospital.

Napag-alamang walang suot na helmet ang mga biktima nang mangyari ang aksidente, ayon sa awtoridad.

— Ulat ni Rolen Escaniel
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.