VIRAL: Lalaki nagbisikleta na may training wheels para makapasok ng trabaho

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2020 12:23 PM

Bumili ng maliit na bisikleta at training wheels ang taga-Tondo, Maynila na si Alex Bodoso para makapasok sa kaniyang trabaho sa Makati. Retrato mula kay Maryrose Reducto

MAYNILA — Nag-viral sa social media ang retrato ng isang lalaking nagbibisikleta na may training wheels para umano makapasok sa kaniyang trabaho.

Kuha ng netizen na si Maryrose Reducto ang retrato ng lalaking nagbibiskleta, na kinilalang si Alex Bodoso, sa may Taft Avenue sa Maynila.

Nakatira sa Barangay 163, Tondo si Bodoso at pumapasok sa trabaho bilang mensahero sa Makati.

Ayon kay Bodoso, nagbibisikleta siya bunsod ng kahirapan sa pampublikong transportasyon ngayong may community quarantine.

Pero dahil hindi siya natutong magbisikleta, bumili siya ng training wheels o dagdag na gulong para makagawa ng paraan.

"Kung hindi naman ako papasok, wala rin akong pagkukunan kasi mga kapatid ko, may pamilya na rin 'yon," ani Bodoso sa panayam ng ABS-CBN News.

Kailangan umanong kumayod ng 35 anyos na si Bodoso para may panggastos at may maipadala sa kaniyang pamilya sa Bicol.

Bago nagkabisikleta, naglalakad umano ng 2 hanggang 3 oras si Bodoso para makapasok sa trabaho.

"Masakit na rin 'yong paa ko eh kaya sabi ko bibili na lang ako bisikleta para maiwasan ko rin maglakad," aniya.

"Kahit bumalik man 'yong transpo o mawala 'yong transpo ulit, mayroon na akong gagamiting papasok," dagdag niya.

Gayunman, dahil mahaba-haba ang nilalakbay ni Bodoso kada araw, bumigay na ang ikinabit na bakal. Napudpod na rin ang gulong.

Para na rin sa kaniyang kaligtasan, iniiwasan muna niyang gamitin ang bisikleta sa kalsada lalo at gumegewang na ito.

Sa ngayon, balik muli si Bodoso sa paglalakad at pagsakay sa LRT-1 dahil kahit pilay ang pampublikong transportasyon, tuloy pa rin ang buhay para sa mga tulad niya.

-- Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.