Pulis, suspek patay sa engkuwentro sa Parañaque

Jerome Lantin, ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2020 04:00 PM | Updated as of Jun 22 2020 07:44 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Patay ang isang opisyal ng Parañaque police at isang suspek nang magkabarilan sa Barangay Baclaran noong gabi ng Linggo. 

Bandang alas-10 ng gabi, sinita ng mga unipormadong pulis ang 2 lalaking magkaangkas sa motorsiklo na walang helmet sa may kanto ng Unida at Dimasalang Street.

Habang kinakausap, biglang bumunot ng baril ang angkas at nakipagbuno sa mga pulis, base sa kuha ng CCTV ng Barangay Baclaran sa insidente.

Sa gitna ng komosyon, nakatakas ang driver ng motorsiklo.

Nauwi ang girian sa barilan, kung saan nasawi si Police Lt. Armand Melad at ang suspek na si Moamar Sarif. Nasugatan naman si Police Corporal Allan Baltazar.

Dinala pa sa ospital si Melad, deputy ng Baclaran Police Community Precinct, pero binawian din ng buhay dahil sa tinamong 3 tama ng bala sa katawan.

Nagtamo naman ng tama ng bala sa ulo si Sarif.

Sa ospital, narekober sa bag ng suspek ang ilang sachet ng shabu.

Ayon kay Col. Robin King Sarmiento, hepe ng Parañaque police, matagal nang nagbebenta ng droga ang napatay na suspek.

Kinilala naman ng pulisya ang nakatakas na suspek bilang si Joven Miña o alyas "Miro," na patuloy nilang pinaghahanap. -- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.