RIYADH - Naglabas kamakailan ng bagong direktiba ang gobyerno ng Saudi Arabia hinggil sa pagpapauwi ng mga labi ng expatriate workers na nasawi sa COVID-19 at iba pang dahilan sa gitna ng pandemya.
“'Pag ang cause of death ay COVID-19, ang direktiba ng Ministry of Health, mayroon silang 72-hour requirement. Binigyan lang tayo ng 72 hours from the time we are informed to dispose of the remains, either ilibing mo yan or i-ship mo yan," sabi ni Philippine Ambassador to Saudi Arabia Adnan Alonto.
Para sa mga hindi COVID-19 na kaso, meron silang dalawang linggo mula kung kailan na-inform ang embahada para sa disposition ng mga labi.
"Yun yung pinakamatindi at napakahirap na requirement. Kaya gumagawa tayo ng karampatang aksyon," ani Alonto.
Ipinag-aalala ng mga kaanak ng mga OFW na namatay sa Saudi kung maiuwi agad ang mga labi sa Pilipinas.
Isa rito ang pamilya ni Marcelino Tanyag III, ang OFW na humingi ng tulong at nag-viral ang video sa Facebook, pero namatay nang hindi nadala sa ospital. Pinaghihinalaang namatay si Tanyag sa COVID-19 pero kailangan pa itong masuri ng mga forensics sa Saudi Arabia.
“Pakiusap lang po ng pamilya Tanyag na sana matulungan kaming mapauwi agad ang remains ng kapatid ko. Namatay siya mag-isa sa kwarto,” apela ni Marjorie, kapatid ni Marcelino.
Kabilang din sa mga nanawagan ng tulong sa Philippine Embassy si Emelyn Arnaiz. Namatay ang asawa niyang si Jufran Arnaiz noong May 28 sa Riyadh sanhi ng COVID-19.
“Nanawagan po ako kay Ambassador Adnan Alonto. Pakitulungan po kami na maiuwi ang bangkay ng aking mister,” pakiusap ni Emelyn.
Ayon kay Alonto, mayroon ng 'No Objection' certificate ang dalawang OFW na nasawi, pero di pa mai-release ng ospital dahil wala pang clearance mula sa Ministry of Health. Nangako ang embahada na tututukan nila ito para maiuwi ang mga labi ng dalawa.
“Ako po ay nakiramay sa dun sa pagpanaw sa mga mahal ninyo sa buhay dito sa Saudi Arabia," sabi ni Alonto.
"Under normal circumstances, nakapagpauwi po talaga tayo. Pero ngayong pandemya na ito, pinipilit po ng inyong embahada na makiusap sa ating host government, ang Kingdom of Saudi Arabia. At tayo ay naghihintay ng clearance mula sa Ministry of Health."
"Pag may clearance na ay sikapin natin na makauwi lahat. I-assure ko po na makauwi lahat ng labi ng inyong minamahal," dagdag niya.
Matatandaang nakipagpulong si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. kay Saudi Ambassador to the Philippines Abdullah Al Bussairy noong isang linggo hinggil sa pagpapauwi ng mga labi ng mga Pinoy sa Saudi.
“Bago po pinawatag ng ating Kalihim ang Saudi Ambassador sa kanilang pagpupulong, nag-file na po tayo dito sa Embahada ng Pilipinas dito sa Saudi ng note verbale seeking reconsideration of that requirement, the 72-hour requirement” sabi ni Alonto.
Ayon kay Alonto, hindi madali ang 72-hour deadline na binigay, "even the shipment of remains, processes and documentary requirement to submit before we can release a No Objection certificate."
Riyadh, Central & Eastern Region
As of June 21, 2020
- Total No. of Cases - 606
- Total No. of Recoveries - 191
- Total No. of Fatalities – 101
- Total No. of Active Cases - 314
- Total No. of Suspected Cases - 324
- Total No. of Non-COVID Death - 247
SOURCE: Philippine Embassy, Riyadh
Jeddah & Western Region
As of June 21, 2020
- Total No. of Cases – 189
- Total No. of Recoveries – 117
- Total No. of Fatalities – 23
- Total No. of Active Cases – 49
- Total No. of Suspected Cases – 7
- Total No. of Non-COVID Death – 60
Source: Philippine Consulate General, Jeddah
Base sa talaan ng embahada noong June 21, umabot na sa 101 ang mga Pinoy na namatay sa COVID-19 at 247 ang namatay sa ibang kadahilanan sa Riyadh, Central at Eastern region.
Samantala, 23 naman ang namatay sa COVID-19 at 60 sa ibang dahilan sa Jeddah at Western region.
Sa pinakahuling bilang, may 431 na na mga labi ng mga OFW ang kailangang maiuwi sa Pilipinas.
Paliwanag ni Alonto, may minimal role o papel lamang ang embahada sa pagpa-ship ng mga human remains.
Pangunahing obligasyon daw ng employer ang pagpapauwi ng kanilang mga namatay na empleyado, tulad ng pagkuha ng ilang dokumento at requirements na employer lang ang pwedeng makapag-issue.
Kailangan isumite ng employer sa embahada ang mga dokumento tulad ng death certificate, medical report, police report (suspicious cause of death/crime/suicide), list of personal belongings at passport. Ang pagkuha ng police report ay umaabot ng hanggang isang buwan.
Para naman sa non-COVID cases, ang embahada at DFA ang magsusumite ng Letter of Acceptance mula sa pamilyang tatangap o nearest kin.
Kung hindi kailangan ng police report, nasa isang linggo lamang ang proseso para maisumite sa embahada, at kailangang makuha ng embassy ang Letter of Acceptance mula sa pamilya.
Pinakamahaba na ang isang linggo kung ang papeles ay manggagaling pa sa probinsya.
Saka mag-iissue ang embahada ng 'No Objection' certificate at dadalhin sa immigration o jawazat para sa pagproseso ng exit visa ng human remains.
May mga pagkakataong naaantala ang exit visa kapag may pending case ang isang namatay na OFW, o may mga utang.
Kung may exit visa na ang bangkay, maaari nang kontakin ng employer ang cargo forwarder para kunin sa morgue ang mga labi at ayusin ang flight.
Paliwanag ni Alonto, ganito ang normal na proseso noong wala pang pandemya. Kaya ang shipment ng human remains ay maaring gawin sa loob ng limang linggo o isang buwan.
Pero sa ngayong may pandemya, kinakailangang gawin ang mga unang nabanggit na proseso, at naidagdag pa ang human remains testing para iwasan ang pagkalat ng infection mula sa bangkay.
Kaya umapela na ng embahada sa Saudi government na di kakayanin ang 72 oras na palugit.
“Nakipagpulong po tayo sa kanilang Foreign Deputy Minister for Consular Affairs. Nasabi natin na it’s really important sa ating mga kababayan na maiuwi (ang mga labi ng kanilang mahal sa buhay)," sabi ni Alonto.
"Nag-agree kami na magsumite tayo nga mga pangalan na namatay sa COVID-19, at sila'y mag-assist na magbigyan tayo ng clearance."
Umaasa ang embahada na pagbibigyan ng Saudi government ang pakiusap nitong mabigyan pa ng mas mahabang panahon para maiuwi ang naturang mga labi.
OFWs, Saudi Arabia, Pinoys in Saudi Arabia, Dead OFWs in Saudi Arabia, Adnan Alonto, Philippine embassy in Saudi Arabia, Remains of OFWs in Saudi Arabia