Pagkain, hanapbuhay: Ayudang binhi napakinabangan ng mga taga-Tuy, Batangas

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2020 06:06 PM

Nagbunga at napakinabangan ng mga taga-Tuy, Batangas ang binhing ibinigay sa kanila ng lokal na pamahalaan bilang ayuda noong lockdown. ABS-CBN News

Mula nang magkaroon ng community quarantine dahil sa coronavirus disease, nagbago na rin ang pagsisimula ng araw ng pamilya Abejero.

Tuwing umaga kasi ay inaasikaso nila ang kanilang garden kung saan itinanim ang mga binhing ibinigay sa kanila bilang ayuda ng lokal na pamahalaan.

Ayon kay Eva Abejero, hindi lang pagkain ang ibinigay sa kanila ng mga halaman kundi libangan din.

"Nag-enjoy kami. Nakakaalis ng boredom [at] nakakatanggal ng depression," ani Abejero sa panayam ng ABS-CBN News.

Isa rin si Esmeralda Dayandayan sa mga nakatanggap ng binhi mula sa munisipyo at hanggang ngayon ay nakikinabang pa rin sa bunga ng ayuda.

Bukod sa nagbigay ang mga pananim ng malalaman sa kaniyang sikmura, may buti din umanong dulot ang pagtatanim sa isip at kalooban niya.

"Sobrang fulfilling po 'yong feeling na 'pag po pala nag-focus ka sa isang bagay, kahit na may pandemic, mako-convert mo 'yong pakiramdam ng lungkot sa isang kaligayahan," ani Dayandayan.

Kakulangan ng pondo ng munisipyo ang dahilan ni Tuy Mayor Randy Afable kaya binhi ang kanilang ipinamigay.

Hindi raw niya kayang makipagsabayan sa ibang bayan na linggo-linggong namigay ng de-lata.

"Since kami ay third-class municipality, hindi naman namin kayang suplayan ng pagkain ang buong mamamayan dito," ani Afable.

Nakahanap pa ng mapagkakakitaan ang residenteng si Raymond Rodriguez nang ibenta niya ang mga tinanim na sitaw.

Nasa 800 residente na ngayon ang nakinabang sa mga binhi ng lokal na pamahalaan, base sa tala ng Tuy Municipal Agriculture Office.

Kaya plano ng lokal na pamahalaan na gawing permanente ang programa kahit pa matapos ang quarantine, ani Afable.

"Sapagkat nakikita namin na ito palang pagtatanim ng ganitong uri ng mga gulay ay napakagandang maging isang kabuhayan ng mga taga-dito," ani Afable.

-- Ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.