PatrolPH

Ilang modernong jeep balik-kalsada sa Metro Manila

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2020 12:25 PM | Updated as of Jun 22 2020 06:56 PM

Watch more on iWantTFC

(UPDATE) Balik-pasada ngayong Lunes ang ilang modernong jeep sa iba't ibang lugar sa Metro Manila bilang bahagi ng ikalawang phase ng pagbabalik sa kalsada ng mga pampublikong sasakyan sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Higit 300 modern jeep ang nakabiyahe ngayong Lunes sa National Capital Region, ayon sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF).

Nasa P11 ang bayad sa unang 4 na kilometro at dagdag na P1.80 sa mga susunod na kilometro.

Nagpatupad ng health at safety protocol sa mga bumiyaheng modern jeep tulad ng pag-fill out sa mga form ng mga pasahero para sa contact tracing, pagbabawas ng mga pasahero para makapag-social distancing, at contactless payment.

Sa ngayon, may 15 ruta ang modern jeep sa NCR:

  1. Novaliches – Malinta via Paso de Blas
  2. Bagumbayan Taguig – Pasig via San Joaquin
  3. Fort Bonifacio Gate 3 – Guadalupe-Market Market-ABC Loop Service
  4. Pandacan – Leon Guinto
  5. Quezon Avenue – LRT 5th Avenue Station
  6. Cubao (Diamond) – Roces Super Palengke
  7. EDSA Buendia-Mandaluyong City Hall via Jupiter, Rockwell
  8. Divisoria-Gasak via H. Lopez
  9. Punta-Quiapo via Sta. Ana
  10. Boni Pinatubo – Stop and Shop, vice versa
  11. Boni Robinson’s Complex-Kalentong/JRC vice versa
  12. Nichols-Vito Cruz
  13. Filinvest City Loop
  14. Alabang Town Center (ATC)-Ayala Alabang Village
  15. Vito Cruz Taft Avenue-PITX Loop Service

Magkakaroon ng dagdag na ruta simula Miyerkoles:

  1. Bagong Silang - SM Fairview
  2. Malanday - Divisoria via M.H. del Pilar
  3. Parang, Marikina – Cubao
  4. Eastwood, Libis - Capitol Commons
  5. Gasak - Recto via Dagat-dagatan
  6. PITx – Lawton
  7. Alabang – Zapote
  8. PITX – Nichols
  9. PITX - SM Southmall

Sa Biyernes, 10 ruta ang idadagdag para sa modern jeep:

  1. Quirino Highway - UP Town Center
  2. SM Fairview - Commonwealth via Regalado Ave.
  3. QMC Loop
  4. Tikling - Binangonan
  5. Antipolo - Pasig via East Bank Road
  6. Rosario - Pinagbuhatan Pasig
  7. West Aveune - P. Noval via Del Monte
  8. Biñan - Balibago via Manila South Road
  9. Tramo - Sucat
  10. San Isidro - Congressional Junction Dasmarinas

Sinabi naman ng grupong Pasang Masda na maaaring ngayong linggo pa lang makabiyahe sa Metro Manila ang kanilang mga miyembrong may modern jeep.

Bago nito, sa Bulacan muna nakahanap ng ruta ang grupo.

"Natutuwa kami kahit papaano. Napakalaking dagok 'yong nawala sa amin," sabi ni Pasang Masda vice president Jojo Martin.

LUMANG JEEP DI PA MAKABIYAHE

Dismayado naman ang mga tsuper at operator ng mga lumang jeep dahil hindi pa rin sila pinayagang makabiyahe.

Ang ilang miyembro ng grupong Manibela ay gumastos para makapaglagay ng foot bath at plastic sa loob ng mga unit para sa social distancing, at automatic pulley system para sa pagbabayad ng pasahe.

"Sobrang frustrated po kami kasi handang-handa na po ang ating mga jeepney driver at UV Express driver na tapos biglang babawiin," ani Manibela National President Mar Valbuena.

"Unti-unti rin po kaming pinapatay sa kawalan ng hanapbuhay dahil wala nga po kaming kita," dagdag niya.

Sa inilabas na infographics noong Mayo, inilista ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang mga pampublikong sasakyan na makabibiyahe sa ilalim ng general community quarantine.

Sa second phase, kasama sa listahan ang mga lumang jeepney.

Pero noong weekend, ilang araw na sana'y makakapasada na, biglaang kumambyo ang LTFRB.

"Hindi po natin kakayanin na biglaan po lalabas at pwedeng i-deploy ang lahat ng public transport... because the transport sector is one vulnerable sector pagdating sa pandemyang ito," ani LTFRB Chairman Martin Delgra III.

Nanawagan ang ilang tsuper at operator ng mga lumang jeep na payagan silang makabiyahe lalo at hindi na sila halos nakatatanggap umano ng ayuda.

"Mas maganda ang kita sa pamamasada at nakasanayan na ng katawan namin ang ganoong linya ng trabaho," ani Roldan Calapano, jeepney driver mula Maynila.

Isa si Calapano sa nakatenggang driver ng 23 jeep ng kanilang operator.

Ayon sa Palasyo, pinag-aaralan na nilang makabiyahe ang lumang jeep.

Pero gagamitin lang ang mga lumang jeep kapag kulang na ang supply ng mga modernong jeep at mga bus, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque. -- Ulat nina Jacque Manabat, Adrian Ayalin at Joyce Balancio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.