COVID-19 cases sa Bangsamoro region umabot na sa 87

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2020 01:47 PM

Umabot na sa 87 ang bilang ng mga taong nagpopositibo sa coronavirus disease sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, sabi ng lokal na inter-agency task force on COVID-19.

Nasa Lanao del Sur ang pinakamaraming positibong kaso, na ngayo'y nasa 57, ayon sa tala noong Linggo ng inter-agency task force.

Nauna nang nagpahayag ng pagkabahala si Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong ukol sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa kanilang lugar, na maaaring hindi raw makayanang tugunan ng kanilang health system.

Sa 87 kumpirmadong kaso, 4 ang pumanaw, 16 ang nakarekober habang 4 ang naka-admit sa mga ospital at 63 ang mga nasa isolation facility.

Samantala, mayroong 42 bagong kuhang health workers at maintenance personnel ang Ministry of Health ng BARMM.

Ang mga naturang manggagawa ay mangangalaga sa mga pasyente na dadalhin sa isolation facility sa Sultan Kudarat, Maguindanao.

Tiniyak ni Bangsamoro health minister Saffrullah Dipatuan na hindi nila papabayaan ang mga bagong manggagawa.

"Kahit pwede kayong ma-expose sa virus na ito pero gusto niyo pa rin tulungan kami... our assurance to you ay hindi naman namin kayo pababayaan," aniya.

May 100 bed capacity ang pasilidad na nasa Sultan Kudarat.

Bukod doon, may itinatayo pang 100 bed capacity na isolation facility sa bayan ng Upi, Maguindanao.

Sa buong bansa, umabot na sa 30,052 ang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease, base sa tala noong Linggo ng Department of Health. -- Ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.