Blackmail, paniniktik posible: NBI binalaan ang mga gumagamit ng FaceApp

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2020 04:04 PM | Updated as of Jun 22 2020 04:38 PM

MAYNILA — Patok ngayon sa social media ang FaceApp kung saan ang isa sa mga feature nito ay ipakita ang magiging itsura ng user sa ibang kasarian.

Pero ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), dapat mag-ingat ang publiko sa naturang app.

Sa panayam ng Teleradyo, sinabi ni NBI Cybercrime Division chief Victor Lorenzo na posibleng magamit ang app para makompromiso ang pribadong impormasyon ng user.

"Puwedeng gamitin ng iba 'yun for blackmail or what. May nagsasabing puwede rin sa espionage para tiktikan ka. Possible 'yun kasi pagka-enable 'yung GPS ng cellphone natin," ani Lorenzo.

Makokompromiso umano rito ang privacy ng user at posible ring magamit sa ibang paraan ang mga larawan at impormasyon, tulad ng nangyari noon sa mga lending apps na namamahiya.

"Kahit nga halimbawa may targeted individual, wala siyang application na ganun pero may mga kamag-anak, mga kaibigan na may FaceApp, eh di makikita rin kung saan siya umiikot. Puwedeng pumasok 'yan sa identity theft at the same time kung may na-compromise kang photos, baka sa voyeurism papasok 'yun," sabi ni Lorenzo.

Ayon kay Lorenzo, puwedeng maghain ng reklamo sa pulisya o NBI ang sino mang makokompromiso ng app.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.