Bantang rape kay Frankie Pangilinan iniimbestigahan ng NBI

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2020 02:16 PM

MAYNILA - Sinimulan nang imbestigahan ng National Bureau of Investigation ang bantang panggagahasa laban kay Frankie Pangilinan, na nagsimula ng online movement laban sa sexual violence sa mga babae sa Pilipinas.

Nag-post sa Instagram noong Sabado si Sharon Cuneta, ina ni Pangilinan, ng umano ay quote ng lalaking kinilalang si Sonny Alcos, na nagbanta umanong gagahasain ang 19 anyos na social media personality.

Sinabi ngayong Lunes sa Teleradyo ni NBI Cybercrime Division chief Victor Lorenzo na iniimbestigahan na nila ang kaso.

Puwedeng pumasok sa kasong light threat at unjust vexation in relation to the Cybercrime Prevention Act ang mga pagbabanta online, ayon kay Lorenzo.

Mayroon umanong parusa ang mga kaso na 6 hanggang 12 taong kulong, sabi ni Lorenzo.

Hindi rin umano lulusot ang depensa kung sasabihin ng suspek na biro lang ang banta.

Nauna nang sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra kahit naninirahan sa ibang bansa ang offender, maaari pa rin itong ireklamo nila Cuneta dahil wala umanong "border" kapag sa cyberspace ginawa ang isang aksiyon.

"Should the complaint prosper, however, our courts must acquire jurisdiction over the person of the defendant before he could be tried," ani Guevarra.

Naging laman ng mga balita si Pangilinan matapos siyang bumuwelta sa broadcaster Ben Tulfo ukol sa rape culture sa Pilipinas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.