PatrolPH

'Abonado pa': City buses idinaing ang kakarampot na maghapong kita

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2020 07:10 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Ilang city buses ang pinayagan nang makabiyahe sa Metro Manila nitong Lunes pero may mga stranded na pasahero pa rin dahil sa dami ng mga nagbabalik-trabahong Pinoy.

Hindi kasi umano tugma ang dami ng bus na bumibiyahe sa dami ng mga pasahero kaya hindi naiwasang ma-stranded pa rin ang ilan.

Ang madami talaga sa lansangan ay ang mga pribadong sasakyan.

Paglilinaw ni EDSA traffic chief Bong Nebrija, augmentation o salo lang muna sa mga biyahe ng tren ang pinayagang makabiyaheng mga bus.

Kumpara noong unang linggo ng Hunyo, mas dumami ngayon ang mga pasahero ng tren pero iilan lang ang nakabiyaheng city bus, ayon sa Mega Manila Consortium na binubuo ng lagpas 80 city bus operators.

Bukod pa diyan, dalawang grupo ng mga city bus operators ang naghati pa sa mga rutang binuksan para sa kanila at kalahati lang ng pasahero bawat bus ang maaaring isakay.

"100 plus na units ang pinayagan, hati kami nung isang grupo... Sa amin, 45 lang ang nakabiyahe. Lugi talaga pero wala tayong magagawa," ani Rene Mapili, bus operations head ng Mega Manila Consortium.

Sabi ni Mapili, nasa P2,000 lang ang kita nila maghapon, kulang na kulang aniya. Sa sahod lang ng mga driver nila, abonado pa ang mga operator.

"Paano pa 'yung pang-fuel mo... Kaya hindi namin alam kung hanggang kailan namin ito masu-sustain," sabi ni Mapili.

Abiso ng Metropolitan Manila Development Authority, mas titindi pa ang traffic pagdating ng katapusan ng buwan kung kailan inaasahang matatapos ang general community quarantine sa Metro Manila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.