Tindero ng umano'y pekeng liniment timbog sa buy-bust

Melanie Severino, ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2019 03:14 PM

Umabot sa 200 piraso ng pekeng Gabon liniment ang nasamsam sa suspek. Larawan mula sa Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group-Davao City

Nahuli sa entrapment operation ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Davao City ang isang lalaking nagbebenta umano ng pekeng liniment, Huwebes ng hapon.

Nasa kustodiya na ng pulisya si Edwin Zanoria Coronel, 48, matapos mabilhan ng Gabon Power Liniment sa National Highway, Ulas, Davao City.

Nakuha kay Coronel ang P500 na marked money at 200 pirasong Gabon Power Liniment.

Una nang dumulog sa tanggapan ng CIDG Davao ang may-ari ng Gabon Liniment na si Jesus Malaran matapos malaman na may gumagaya at nagbebenta ng produkto nito gamit ang kaniyang brand.

Ayon kay Police Maj. Milgrace Driz, inaalam pa nila kung sino ang nasa likod ng panggagaya at pagbebenta ng pekeng produkto.

“We received a complaint from the owner na may namemeke nga ng kanilang produkto na liniment oil kaya nag-conduct kami ng operasyon,” sabi ni Driz.

Sasampahan ng paglabag sa Republic Act No. 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines, partikular na ng trademark infringement at unfair competition, ang nahuling vendor.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.