SUV sumalpok sa poste, 6 sugatan

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2019 02:47 PM | Updated as of Jun 22 2019 02:56 PM

Posibleng pumutok ang isang gulong ng SUV kaya nawalan ng kontrol ang driver nito sa manibela at bumangga sa konkretong poste. RJ Rosalado, ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY - Anim na magkakamag-anak ang sugatan matapos sumalpok ang isang SUV sa kongkretong poste sa Barangay Boalan dito sa siyudad, Biyernes ng hapon.

Sa lakas ng pagkakabangga ay natumba ang poste, dahilan para bumagsak ito sa isang katabing tindahan.

Muntik namang madaganan ng natumbang poste ang babaeng apo ni Felizidad Fernandez na nagbabantay sa mga oras na iyon sa kaniyang tindahan.

Ayon kay Fernandez, kung hindi sila umalis ng isa pang apo ay malamang naipit na sila sa natumbang poste.

Bukod sa tindahan ay nasira din ang harapan ng isang pulang kotse na nabangga din ng SUV.

Ayon kay Police Staff Sgt. Marlon Fernando, traffic investigator ng Police Station 5, anim sa mga sakay ng SUV ang nagtamo ng minor injuries, kabilang na ang driver nito.

Nakausap ni Fernando ang driver ng SUV pero wala itong malinaw na naibigay na sagot kung paano nangyari ang aksidente.

Pero posibleng pumutok umano ang isa sa mga likurang gulong ng SUV kaya nawalan ng kontrol ang driver nito at mabilis na sumalpok sa poste.

Agad namang isinugod sa ospital ang mga sugatan.

Nangako din ang driver ng SUV na babayaran ang lahat ng mga nasirang ari-arian, kasama na ang nadamay na kotse.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.