LTO may babala sa e-scooter users na gagamit ng mga pangunahing lansangan

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2019 08:20 PM

Ipinahayag ni LTO chief Edgar Galvante na dapat may lisensiya ang mga operator ng e-scooter, dahil itinuturing na motor vehicle ito na nasa kaparehong kategoriya ng electronic bike. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Nagpaalala ngayong Sabado ang Land Transportation Office (LTO) sa mga tumatangkilik ng electronic scooter na dapat rehistrado ang mga ito kung gagamitin sa mga pangunahing lansangan.

Ipinahayag ni LTO chief Edgar Galvante na dapat may lisensiya ang mga operator ng e-scooter, dahil itinuturing na motor vehicle ito na nasa kaparehong kategoriya ng electronic bike.

Ayon kay Jimmy Isidro, public information officer ng Mandaluyong local government unit (LGU), dapat irehistro ang mga ito sa LTO.

Handa raw ang mga LGU na ipatupad ang mga panuntunan ng LTO sa paggamit ng e-scooter.

Ayon naman kay Dexter Cardenas ng Quezon City Public Order and Safety, basta may lisensiya at sumusunod sa batas trapiko ang mga gumagamit ng e-scooter, hindi masisita ang mga ito.

Pero kung mapatunayang ginagamit for hire ang e-scooter, pwede raw hulihin ito ng LGU.

Nagpaalala ang Metro Manila Development Administration sa publiko na huwag nang gumamit ang e-scooter sa mga pangunahing lansangan katulad ng EDSA at Commonwealth Avenue.—Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.