ALAMIN: Sino ang mananagot, gagastos kapag nangagat ang aso sa kalye

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2019 04:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sino ang may responsibilidad kapag nakakagat ang isang napabayaang aso ng residente? 

Ayon kay Atty. Claire Castro sa "Usapang de Campanilla" ng DZMM, 2 ang posibleng may pananagutan dito. 

Una ang may-ari ng aso dahil sa pagpapabaya sa alaga. Nakasaad kasi sa Anti Rabies Act of 2007 na kinakailangang naka-leash o may tali ang aso kapag inilalabas ito sa kalsada.

Obligado rin umanong ipabakuna ng may-ari ang kaniyang alaga laban sa rabies.

"Kapag nakakakagat ay obligasyon ng may-ari na bayaran ang nagastos ng nakagat ng aso," ani Castro. 

Kung wala namang nagmamay-ari sa aso, sa barangay na ang pananagutan dahil obligado silang gumawa ng paraan para maiwasang gumala ang mga aso sa kanilang nasasakupan. 

Maaaring patawan ng multa ang mapapatunayang lumabag sa Anti-Rabies Act of 2007.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.