Siksikang mga kulungan, problema sa malawakang 'Oplan Tambay'

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2018 12:01 AM

Watch more in iWant or iWantTFC

Sa gitna ng patuloy na panghuhuli sa mga tambay na lumalabag sa sari-saring ordinansa, nakikitang problema naman ngayon ang siksikan sa mga kulungan.

Isa sa mga halimbawa nito ang Quezon City Police District (QCPD), na nasa 500-1,000 porsiyento ang overcrowding rate.

Ayon pa sa QCPD, limang persons under custody na ang namatay sa loob ng kulungan nila sa nakalipas na buwan, na pare-parehong nahirapang huminga sa loob ng selda.

Kabilang na umano dito si Genesis Argoncillo na namatay sa kulungan ng Novaliches Police Station.

"On the average our lock up jail is overpopulated by between 500 to 1,000 percent so it's really a bad...Imagine a lock-up jail that is good only for 20 persons, then you will place about 60-120 prisoners? That really poses a hazard," ani QCPD director Chief Superintendent Joselito Esquivel Jr. 

Sa Makati City, segregation ang solusyon nila sa overcrowding. 

Sa ilalim ng kanilang sistema, mananatili sa mga Police Community Precinct (PCP) ang mga nahuli dahil sa paglabag sa city ordinance.

Sa headquarters naman ikukulong ang mga nahuli dahil sa "8 focus crimes" tulad ng pagpatay at pagnanakaw.

Hinimok naman ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde ang Commission on Human Rights (CHR) na tumulong sa pag-inspeksiyon sa mga kulungan para maengganyo ang local government units na pondohan ang pagpapalawak ng pasilidad. 

Sagot naman ng CHR, ginagawa talaga nila ang mandato na mag-inspeksiyon sa mga kulungan pero may ibinato rin silang pakiusap sa PNP.

"Ang request lang namin sa PNP at sa lahat po ng security forces na nagbabantay nitong mga detention centers, jails ay dapat they should allow us to perform our mandate. Huwag nila kaming harangin," ani Atty. Gwen Pimentel-Gana, commissioner ng CHR. --Ulat ni Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.