P21-M halaga ng cocaine, nasabat sa Quezon

Henry Atuelan at Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2018 09:06 PM | Updated as of Jun 23 2018 04:53 PM

(2nd UPDATE) Mahigit P21-milyong halaga ng cocaine ang nasamsam mula sa isang mangingisda sa Dinahican, Infanta, Quezon nitong Biyernes.

Ayon kay Chief Supt. Edward Carranza, director ng Police Regional Office 4-A, nasa 4 na kilo ng cocaine ang nasabat mula sa mangingisdang mula Nagcarlan, Laguna.

Ibinebenta umano nang tingi ang cocaine sa halagang P500 para hindi mahalata ng mga awtoridad.

"Ang sabi nila, ayaw nilang magbenta sa Pinoy kung maramihan na kaya gusto nila ay foreigner," ani Supt. Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor City Police na siyang nagsagawa ng followup operation.

Iniimbestigahan naman ng mga awtoridad kung kasama ang mga nakumpiskang bloke ng cocaine sa mga nauna nang nasabat sa Perez, Quezon noong Abril.

"Tuloy-tuloy ang pagiimbestiga natin at pag-follow na mayroon pa na marami ba ang bricks of cocaine na nagkalat sa Quezon," ani Carranza.

Naniniwala ang pamunuan ng Calabarzon Police na mula pa sa ibang bansa ang mga nakumpiskang cocaine.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang naarestong mangingisda na mananatili sa kustodiya ng Bacoor City Police.

Kinasuhan na ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang suspek na walang kaukulang piyansa. -- May ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.