Online 'scammers' na nakatangay ng P60 milyon sa 600 biktima, timbog

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2018 06:35 PM | Updated as of Jun 22 2018 08:20 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Inaresto ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong Huwebes ang live-in partners na itinuturong utak ng online investment scam, kung saan aabot sa tinatayang P60 milyon ang natangay nila sa mga biktima.

Wala nang nagawa ang dalawa matapos matimbog sa entrapment operation na ikinasa sa loob ng isang fast food chain sa Quezon City.

Kinilala ang dalawa bilang sina Allysa Jimenez, 24 anyos, at kaniyang kinakasama na si Jocris Recian, 23 anyos.

Ayon sa NCRPO, modus ng mga suspek na manghikayat ng investors na magpautang ng pera sa kanila kapalit ng tubong 5 porsiyento kada linggo. 

Dagdag ng pulisya, higit 600 ang nabiktima nila na pawang miyembro ng closed group sa Facebook na "Allysa's Micro Online Financing."

Noong una raw ay nakatanggap pa ng mga pay-out ang mga biktima pero kalaunan ay hindi na nagparamdam ang mga suspek.

Nang magkaharap sa tanggapan ng NCRPO, hindi na napigilan ng mga biktima ang manggalaiti kina Jimenez at Recian. 

Ayon sa isa sa mga naloko na si Din Ocasla, higit P500,000 ang nawalang pera sa kaniya. 

"Iyung mga taong nagtiwala sa kaniya, mga pulis, teachers, OFWs, lahat akala matino siya dahil online nga po eh...Lahat ng ipon, 'yung iba nag-loan, 'yung iba may sakit pa na cancer ang asawa, manganganak walang pampaanak ngayon [dahil] niloko nila," hinaing ni Ocasla. 

Kay Mirriam Tomale naman, higit P400,000 ang natangay.

"Sa pirmahan namin ng kontrata, it says magbibigay siya sa akin ng partial na P50,000 within one week kasi alam niya pambayad ko 'yun ng bahay... Ngayon masyado na akong kawawa kasi nabaon na ako sa utang sa kakapangako nila," aniya.

Ayon naman sa mga suspek, naloko lang rin sila ng kanilang kolektor na siyang tumangay sa pera ng mga biktima.

Habang nagpapaliwanag sa media si Recian, hindi napigilan ng isa sa mga biktima na sampalin ang suspek dahil sa galit.

"Naging biktima lang din ako, wala akong nilokong tao...Hindi ko alam na ganu'n ang kahahantungan," depensa ni Recian. 

Ayon kay NCRPO director Chief Superintendent Guillermo Eleazar, kung tutuusin daw ay gasgas na ang ganitong modus kaya muli siyang nagpaalala.

"Ang panawagan natin sa ating mga kababayan, ang pinaghirapan nating pera huwag basta i-invest sa mga sinasabing business...Hindi kayo basta-bastang tataya sa ganitong negosyo o investment," ani Eleazar.

Kinasuhan na ng syndicated estafa ang mga suspek habang hinahanap pa ang ilan nilang kasabwat.

--Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.