OFW na ikinalat ang hubad na larawan ng ex, arestado sa motel

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2018 09:20 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Isang lalaking overseas Filipino worker (OFW) ang inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos nitong ikalat ang nude pictures ng dati niyang nobya na ayaw nang makipagbalikan.

Humingi ng tulong sa NBI Cybercrime Division si alyas "Ana" matapos ipadala ng dati niyang nobyo na si Alex Sanchez ang kanilang hubad na retrato sa kaibigan ng kasalukuyang kinakasama ng biktima. 

Pinipilit daw si Ana ng suspek na makipagbalikan, sa banta na tuluyang ikakalat ang lahat ng malalaswang larawan nila sa social media.

"Ang sabi pa niya sa akin, 'Gusto mo ipadala ko sa anak mo, ife-friend ko siya.' Sabi ko tama na ito," kuwento ni Ana.

Ikinasa ng NBI ang entrapment kay Sanchez sa nakatakdang paglapag nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula Qatar.

Pumayag si Ana na sunduin si Sanchez sa paliparan at mag-check-in kunwari sa isang motel.

Ang hindi alam ng suspek, sinusundan na pala ang kanilang taxi hanggang pumasok ito sa motel sa Pasay. Bago pa man makapasok, inaresto na ng mga awtoridad si Sanchez.

Kuwento niya sa NBI, isang taon silang naging magnobyo ni Ana sa Qatar bilang OFW, kahit kasal na siya at may nobyo naman ang biktima. 

Inamin din ni Sanchez na ikinalat niya ang retrato bilang ganti nang balikan ni Ana ang kaniyang kinakasama.

"Siguro sa sama ng loob ko. May usapan kasi kaming magsasama kami...Tatanggapin ko ang parusa, kasalanan ko naman po," pag-amin ng suspek.

Nagsisisi umano si Sanchez lalo't hiniwalayan na rin siya ng kaniyang asawa. 

Para naman kay Ana, nagpapasalamat aniya siyang tinanggap pa rin siya ng kaniyang nobyo sa kabila ng kaniyang pagtataksil.

"Nagpapasalamat ako na kahit sa lahat ng ginawa ko, nandiyan ka pa rin. Sana hindi ka magbago, mahal na mahal kita," mensahe niya sa kaniyang partner.

Sa kulungan ang bagsak ni Sanchez dahil sa paglabag sa Violence Against Women and Children Act at Anti-Cybercrime Law. 

Nakatakda namang ikasal si Ana sa kaniyang kinakasama ngayong taon. 

--Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.