Nanlaban: Suspek patay sa buy-bust sa Davao

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2018 07:53 AM

Nagkabarilan ang mga pulis at isang suspek sa isang buy-bust operation sa Davao City. ABS-CBN News

DAVAO CITY - Patay ang isang lalaki sa isang buy-bust operation sa lungsod na ito Huwebes ng gabi.

Ayon sa mga pulis, unang nagpaputok ng baril ang suspek na si Johny Acogido, 40, gamit ang kanyang .38 revolver nang malaman nito na police na pala ang kanyang katransaksyon.

Nasugatan sa kaliwang braso si PO3 Alvar Masher Basirul, ngunit nakaganti naman ito at nabaril din ang suspek.

Isinugod pa sa hospital si Acogido ngunit ipinroklamang dead on arrival na.

Sa imbestigasyon, taga Pasay City si Acogido at lumipat lang sa Davao City para magbenta ng ilegal na droga.

Samantala, nahuli naman ang isa pang lalaki dahil umano sa pagbebenta ng droga sa Barangay San Antonio, Agdao, Davao City nitong Huwebes.

Nakunan ng 4 na sachet ng shabu si John Anthony Paciente, 26, sa loob mismo ng kanyang bahay. Itinanggi niya na siya'y nagbebenta ng droga.

"Dugay naman ko niundang (Matagal na akong huminto)," aniya.

Ayon sa Sta. Ana Police, sumuko na noon sa kanilang istasyon si Paciente ngunit na-monitor muli na nagbebenta ng ilegal na droga.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Paciente.