Mga pari, madre, layko nagmartsa para 'ipagdasal' ang bansa

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2018 10:04 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Naglakad nitong Biyernes patungo sa Our Lady of EDSA Shrine ang mga pari, madre, at layko para pagnilayan ang anila'y "karahasan" na bumabalot sa bansa.

Nagmula ang mga ito sa mga parokya sa Metro Manila at Timog Katagalugan.

Anila, hindi sila nagmartsa para tuligsain ang kasalukuyang pamahalaan kung hindi ay para ipagdasal ang bansa.

"Kahit anong administrasyon, kapatid natin ito, walang kulay ito, bata, matanda, mahirap, mayaman [ay] sama-sama tayo rito," ani Fr. Raul Enriquez.

Pagdating sa EDSA Shrine ay nagdaos ng misa ang mga pari, madre, at layko

Ginawa rin ito upang ipagdasal anila ang mga pari na pinatay ng mga hindi pa nakikilalang salarin.

Mula Disyembre ay napaslang sina Rev. Fr. Richmond Nilo, Rev. Fr. Mark Anthony Ventura, at Rev. Fr. Marcelito Paez.

Tiniyak naman ng mga klero na simula pa lamang ang kanilang pagmamartsa para ipagdasal na masupil ang anila'y kaguluhan sa bansa.

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.