Hammerhead sharks, inilalako sa palengke ng El Nido

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2018 08:49 AM | Updated as of Jun 22 2018 09:53 AM

EL NIDO, Palawan – Ibinahagi sa social media ng isang Bayan Patroller ang lantarang pagbebenta ng hammerhead sharks at crocodile fish sa palengke ng Barangay Villa Libertad sa bayang ito.

Bagama't nasa least concern ng International Union for Conservation of Nature ang mga crocodile fish, kasama naman sa endangered species ang mga hammerhead shark.

Ayon pa sa Bayan Patroller, tila isinasawalang bahala ng local government unit, Department of Environment and Natural Resources at Coast Guard ang ganitong mga isyu sa bayan. 

Ilang beses na umano itong nangyayari ngunit wala namang aksyon.

Ito na ang pangatlong beses na inireklamo ang lantarang pagbebenta ng mga pating sa bayan sa taong ito.

Marso 29 ng isinumbong sa social media ang pagbebenta ng kinatay na pating sa Nacpan Beach. Abril 24 naman nang inilako ang 3 blacktip na pating sa Barangay Pasadeña, El Nido.

Ayon sa Palawan Council for Sustainable Development o PCSD inaksyunan na nila ang mga naunang sumbong. Pero tila marami pa rin ang nagpapasaway o hindi nakakaalam na ito'y ipinagbabawal.

“Pinagsabihan naman ‘yung mga taong involve, at 'yun nga ang sabi nila. Hindi raw nila alam. Pero susunod na raw sila next time, dahil alam na nila. Alam mo naman, 'yung ibang tao, talagang hindi pa rin siguro sila inaabot ng ating campaign or ‘yung iba talaga ay nagsasawalang-alam lang. Kaya kailangan pa rin talagang pagsabihan ‘yung mga tao na 'yan," ayon kay Forester Jovic Fabello, tagapagsalita ng PCSD.

Dapat umanong pangunahan ng local government ang enforcement sa ganitong mga isyu. Ngunit maaring sa ngayon ay nakatutok pa ito sa isyu ng easement zone.

“Actually, alam naman ng LGU ‘yan. Mangyari lang ngayon, busy kasi sila doon sa problema nila with the easement. Kaya siguro hindi rin nila matutukan,” dagdag ni Fabello.

Gayunman, muli umano silang makikipag-ugnayan sa LGU ukol sa usapin.

Paglabag sa Republic Act 9147 ang pagbebenta ng mga buhay ilang.

Naninindigan naman ang PCSD na higit sa pagsasampa ng kaso ay mas importanteng mabigyan ng kaalaman ang mga tao sa kung ano ang mga bawal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.