Dating sexy actress at live-in partner, arestado dahil sa droga

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2018 03:48 PM

Nahuli sa isinagawang search warrant ang dating sexy actress na si Michelle Comstock o mas kilala bilang Bridgette de Joya sa showbiz. Kasama niyang nahuli ang kaniyang live-in partner. Larawan mula sa Police Regional Office 3

SAN FERNANDO CITY, Pampanga – Arestado ang dating sexy actress at kaniyang live-in partner sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad, Huwebes ng hapon sa lungsod na ito.

Isinilbi ng pinagsamang pwersa ng Pampanga Provincial Drug Enforcement Unit, San Fernando Police Station at Special Weapons and Tactics unit ang search warrant na nagresulta sa pagkakaaresto kina Michelle Comstock, alyas Tisay, at Marciano Camacam, alyas Bong Guevarra, 42-anyos; kapwa sila residente ng Block 2, Lot 17, Northville, Calulut Resettlement, sa lungsod na ito.

Si Comstock ay mas kilala bilang Bridgette de Joya sa showbiz at nakasama sa mga pelikulang “Kangkong” at “Gigil.”

Nasamsam sa kanila ang walong sachet ng hinihinalang shabu, limang improvised tooters na may shabu residue, weighing scale, dalawang plastic na bote ng softdrinks na may liquid substance na hinihinalang ilegal na droga.

Hinahanda na ng awtoridad ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 laban sa mga suspek.