Bus na naaksidente sa EDSA-Magallanes, suspendido

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2018 06:57 PM | Updated as of Jun 22 2018 09:12 PM

Pinatawan ng preventive suspension order ang isang unit ng Joyselle Express Inc. matapos maaksidente sa EDSA-Magallanes noong Martes kung saan 20 ang sugatan.

Bumangga ito sa poste ng MRT bago sumalpok sa loading bay ng Magallanes, gayundin sa isang Mirage at isang VTSC bus na nakahinto roon. 

Habang suspendido sa loob ng 30 araw, iniutos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na dalhin ang nasabing bus unit sa motor vehicle inspection service para isailalim sa road worthiness.

Pinapadalo rin ang operator, driver at konduktor sa road safety seminar at compulsory drug testing.

Pinagpapasa rin sila ng mga dokumento at pinapasurrender hanggang Biyernes.

Bukod sa suspension order, naglabas din ang LTFRB ng show cause order at pinagpapaliwanag ang operator kung bakit hindi dapat makansela ang kanilang prangkisa.

Itinakda naman ang pagdinig sa kaso sa Hulyo 4.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.