9 timbog sa droga sa Pampanga

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2018 01:54 AM

Arestado ang 9 katao, kabilang ang 2 menor de edad, sa magkakahiwalay na operasyon kontra droga sa Pampanga nitong Miyerkoles at Huwebes.

Nadakip sa bayan ng Sasmuan nitong Miyerkoles sina Ricardo Santos, 22, at Mark Louis Lee, 19, na nakuhanan ng 7 sachet ng hinihinalang shabu. Kasama ng mga suspek ang dalawang menor de edad. 

“Sabi po nila, nung mga minors, sinama lang sila ng drug peddlers talaga natin. Since nasa loob lang sila ng sasakyan di sila bumaba finreeze lang sila during the conduct of buy bust operation itself pero pagdating dito na-found out na minor," ani PO2 Luck Velasco, duty investigator ng Sasmuan Municipal Police.

Nakipag-ugnayan na ang Sasmuan Municipal Social Welfare and Development sa Angeles City Social Welfare and Development sa pag-turnover ng 2 menor de edad sa kanilang mga magulang.

Watch more in iWant or TFC.tv
Video courtesy of Jimjim Hipolito

Nahuli naman sa isa pang operasyon ang isang empleyado ng munisipyo ng Sasmuan na si Russel Mangalindan na nagtatrabaho sa Office of the Vice Mayor.

Nakuha sa kaniya ang 11 sachet ng hinihinalang shabu at P500 marked money.

Sa siyudad ng San Fernando, timbog nitong Huwebes sina John Oliver Herrera, Roxane Morales, Lady Diane Villalobos, at Robert Puño Jr. na isang kagawad sa Barangay Cawayan, Mexico, Pampanga.

“Malakihan siyang magbigay, hindi nagbibigay sa mga small time, nagbibigay sa mga pusher talaga," ani Supt. Levi Basilio, officer-in-charge ng San Fernando Police.

“Nung nahuli siya sa akto ay kusa naman siyang sumuko sa ating mga operatiba.”

Nakuha sa mga suspek ang mga sachet ng shabu na hindi bababa sa P100,000 ang street value.

Pero sa panayam ng ABS-CBN News kay Puno, mariin niyang itinanggi ang pagbebenta ng ilegal na droga.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.