Victoria Towers sa QC, binulabog ng bomb threat

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2017 01:29 PM

MANILA- Binulabog ng isang bomb threat ang Victoria Towers sa Timog Avenue, Quezon City Huwebes ng umaga.

Bandang alas-10:55 ng umaga ng mabalitaan ang bomb threat sa condominium at agad na pinalikas ang mga taong nasa commercial area ng gusali.

Agad namang rumesponde ang Quezon City Police District sa nasabing banta. Nag-negatibo naman ito.

Ayon kay Supt. Peter Sanchez, nakatanggap sila ng tawag ukol sa banta at "unusual activity" sa ikalawang palapag ng gusali.

"Mayroon lang report sa amin na pinapa-verify ito. Mayroong unusual activity sa 2nd floor, so far wala naman," aniya.

Ininspeksyon ang ikalawang palapag ng gusali kung saan sinasabing nakalagay ang bomba, ngunit wala namang natagpuan.

Idineklara ng pulisya na ligtas ang gusali bandang alas-11:30 ng umaga at pinayagan na muling bumalik ang mga tao sa loob. --ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.