Tubig ng mga 'bakwit', nakitaan ng bacteria na nagdudulot ng sakit

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2017 09:35 PM | Updated as of Jun 22 2017 11:58 PM

Kailangang dalhan ng malinis na inuming tubig ang ilang bakwit matapos madiskubreng may 'e.coli' ang tubig na ginagamit nila mula sa isang balon.

Nakatakas man sa gulo, sa iba't ibang sakit naman ngayon nakikipaglaban ang mga 'bakwit' mula sa Marawi City.

Sa datos ng Lanao del Sur Integrated Provincial Health Office, pumalo na sa 17 ang namatay dahil sa iba't ibang sakit. Kabilang sa mga nasawi ang apat na batang nadale ng diarrhea o pagdurumi.

Nasawi rin dahil sa diarrhea ang 2 anyos na batang bakwit sa Balo-i, Lanao del Norte. 

Nadiskubre pang may 'e. coli', o bacteria na karaniwang natatagpuan sa dumi ng tao, ang tubig na ginagamit ng mga bakwit na nasa isang barangay ngayon sa Lanao del Norte. 

Dahil diyan, naglilibot ngayon sa evacuation centers ang grupong 'Action Against Hunger' para turuan ang mga bakwit ng tamang paghuhugas ng kamay at pagpapakulo ng inuming tubig para makaiwas sa mga sakit na maaaring makuha sa maruming tubig.

Naghahanda rin silang magdala ng 'potable water' o ligtas na inuming tubig mula sa Iligan City. 

Samantala, siyam na sibilyan pa ang nailigtas ng militar mula sa Marawi.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines, ikinuwento ng ilang nakaligtas sa Maute na may imbak na 'yaman' ang mga terorista. Nanggaling daw iyon sa mga nakuhang pera, alahas, at iba pang mamahaling gamit mula sa mga inabandong bahay sa Marawi.

Pinupuwersa rin umano ng Maute ang kanilang mga bihag na magnakaw sa mga naiwang ari-arian sa lungsod.

Obligasyong panrelihiyon ng mga Muslim, apektado ng bakbakan

Bukod naman sa problema sa kalusugan at seguridad, apektado rin ang obligasyong panrelihiyon ng mga Muslim na apektado ng bakbakan sa Marawi.

Hindi na sila makapagdasal sa mosque; may ilang nasira na ng bakbakan. Ang iba naman, sinara na.

Karaniwan ding naghuhugas ng paa bago umapak sa mosque para mapanatiling malinis ang sagradong lugar. Pero ngayon, aminado ang ilang bakwit na hindi na iyon nasusunod. 

Umaasa pa rin silang matutuldukan na ang bakbakan bago pa matapos ang Ramadan ngayong linggo. 

--Ulat nina Jorge Cariño at Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.