SAPUL SA CCTV: Lalaking umano'y nagso-solicit, tumangay ng cellphone

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2017 01:41 PM

Tinangay ng isang lalaking nagpapanggap na nagso-solicit ang cellphone ng isang ginang sa Dasmariñas, Cavite.

Makikita sa kuha ng CCTV ang lalaki na pumasok sa restaurant. Nagpalinga-linga muna ito saka pumasok sa banyo. Nang lumabas, may dala na itong mga papel. 

Lumapit ito sa mga customer at saka sila kinausap.

Makikitang inilapag nito ang ibang hawak na papel kung saan nakapatong ang cellphone ng isa sa mga customer. Kasabay ng pag-angat ng papel ang pagtangay ng cellphone saka umalis ang lalaki.

Sa ibang anggulo, makikita na dalawa pa ang cellphone sa mesa. Nang kunin ng lalaki ang nakapatong na papel, isang cellphone na lang ang natira.

Kinilala ang biktima na si Hedalyn Jutic. Aniya, regalo ng anak nito na nagtatrabaho sa Qatar ang cellphone.

Banggit nito, kumain sila ng mga kasama sa naturang restaurant dahil kaarawan ng isa sa kasamahan nila sa simbahan.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.