SAPUL SA CCTV: Dalaga nabangga, nakaladkad ng 2 motor sa Malolos

Patrick Quintos, ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2017 04:14 PM

MAYNILA - Mga pasâ at pasò ang inabot ng 19 anyos na babaeng nabangga at nakaladkad pa ng 2 motorsiklo habang siya ay tumatawid sa pedestrian lane sa Malolos, Bulacan nitong nakarang Linggo.

Sa kuha ng CCTV, makikitang tumatawid si Mary Grace Sampaga sa pedestrian lane sa Barangay Tikay nang mabangga siya ng motorsiklo. Nakaladkad siya ng kasunod na motor na hindi nakapagpreno kaagad.

Makikita sa bidyo na tinulungan ng mga nakamotorsiklong lalaki ang biktima na makatayô. Pero ayon sa tiyahin ng biktima na si Melda, wala nang tumulong sa kanila sa gastusin sa ospital.

Si Melda rin ang mismong naglagay ng bidyo sa Facebook para humingi ng tulong sa mga nakakita sa aksidente na matukoy ang nakabangga sa kanyang pamangkin.

Kuwento ng biktima sa DZMM, mabilis at mistulang nagkakarera ang mga motor na bumangga sa kanya nang siya ay pauwi mula sa pinapasukang tindahan. 

"Malayo pa sila tumatawid na po ako, nasa gitna po ako [ng pedestrian lane]. Ang bilis-bilis po nila," ani Sampaga. "Iyak na po ako nang iyak noong time na 'yun nanginginig na ako."

Ayon sa dalaga, may lalaki pang sumabay sa kanila papunta sa ospital na inakala nilang concerned citizen. Iyon pala, ani Sampaga, ito pala ang lalaking unang nakabangga sa kanya.

Hindi na aniya ito nagpakilala lalo't huli na nang masabihan sila ng mga nakasaksi na ito ang lalaking nakabangga sa kanya. Wala rin umano silang natanggap na tulong sa pagpapagamot..

Umaapela ng tulong si Sampaga sa mga nakabangga sa kanya, lalo't wala aniya siyang panggastos dahil natigil din siya sa trabaho matapos ang aksidente. 

Nag-iwan din ng numero ang kanyang tiyahin na si Melda sakaling gusto ng mga nakabanggang makipag-ugnayan sa kanila: 09433477177.