Mga hostage ng Maute, ginagamit para sa pagnanakaw

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2017 08:22 PM

Ginagamit ng mga Maute ang mga hostage na sibilyan sa pagnanakaw at pagsasagawa ng kanilang mga masamang gawain, ayon sa opisyal ng militar nitong Huwebes.

Sa panayam ng DZMM kay Lt. Col. Jo-ar Herrera, spokesperson ng Joint Task Force Marawi, sinabi niyang pinipilit ng mga Maute na gawing armado ang mga hostage na sibilyan.

"Mayroon din po ditong naiulat na 'yung mga Christian po na hostages ay ginagamit po sa paglu-loot. Sila po ang ginagawang manpower ng mga Maute sa loob ng conflict area," aniya.

Ayon pa sa impormasyon na nakuha ng militar mula sa isa sa 13 hostage na na-rescue nila kahapon, nakakolekta ang mga Maute ng mga gintong kuwintas, mamahaling relo at mga pera sa mga bahay na ninakawan ng rebeldeng grupo.

"May isa po kaming na-rescue kahapon, 'di ko na po sasabihin ang pangalan. Sabi niya kitang-kita niya iyung sobrang daming pera sa area na na-loot. May gold na mga necklace," pahayag ni Herrera.

Kinandaduhan na ng mga militar ang mga naiwang bahay ng mga lumikas na residente sa Marawi para maprotektahan ang kanilang mga kagamitan at hindi na muling makapagnakaw ang mga rebelde.

Taktika ng Maute

Inihayag ni Herrera na hinihikayat ng mga rebelde ang mga walang trabahong residente ng Marawi at mga nagkasala sa batas na sumama na sa kanilang grupo kapalit ang pera.

"Even 'yung mga walang trabaho po dati, isang taktika nila ay ni-recruit nila ito... Noong meeting po namin sa Sultanate kahapon, nabanggit po iyan, na may mga promise sila na pera kaya 'yung iba po doon ay sumama, criminals,"aniya.

Kinumpirma rin ng Armed Forces of the Philippines na ginagamit din ng mga Maute ang mga masjid para pagtaguan. 

"Talaga pong hindi nila ginagalang. Hindi na lang ito simpleng mga terorista dahil ginagamit lahat nila para sa kanilang advantage,"aniya.

"Kahapon nga po, kausap namin ang mga traditional leaders na mga sultanate, mga imam. Pinapakita namin sa kanila kung ano ang mga ginagawa ng mga Maute. Siyempre masakit po sa kanila. Sabi nila, hindi na Muslim ang mga ito." 

Inililigtas umano ng mga militar ang mga masjid sa mga air strike para hindi maging isyu sa mga kababayang Muslim.

Nakatanggap din umano sila ng propaganda ng Maute na nagsasabing gumagamit ang miltar ng air strike at sinusunog ang mga bahay.

Aniya, ito ang ginagamit ng mga rebelde bilang panghikayat sa mga kababayan nila para lumaban na at sumapi sa kanila.

Aminado naman ang militar na 'highly trained' na ang mga Maute. Palatandaan umano nito ang mga nakuha nilang mga gamit pandigma na malalakas ang kalibre. Nasa 19 high powered firearms ang kanilang nakuha sa isang araw sa iba-ibang bahay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.