Lolo’t lolang isang buwang naipit sa gulo, nasagip

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2017 05:48 PM | Updated as of Jun 22 2017 11:45 PM

Lolo’t lolang isang buwang naipit sa gulo, nasagip

Marami pa ring naiipit na sibilyang naghahanap ng tiyempo para makatakas sa putukan. Pero may mga bihag ang Maute na pinagmumukha umanong terorista para lituhin ang militar.

Pagpapahalaga sa bawat buhay. Ganiyan ang ipinakita ng mga sundalong sumaklolo sa lolo’t lolang isang buwan nang naiipit sa bakbakan sa Marawi.

Sinuong ng mga sundalo ang ulan at putukan para masagip ang lolo at lolang naipit sa gulo.

Sa isang video na nakuha ng ABS-CBN News, makikitang pinasan ng isa sa mga sundalo ang 60 anyos na si lolo Ernesto Luis. Hindi na makalakad ang matandang ngayon lang makakatakas sa kaguluhan.

Walang tigil ang putukan habang sinasagip ang lolo. Dagdag pahirap pa sa sitwasyon ang napakalakas na ulan na nagpapadulas sa mga eskinitang pinagsusuotan ng mga sundalo para makaiwas sa mga tama ng bala.

Sa isa pang video, inaalalayan ng mga sundalo si lola Maura Noez na naipit din sa gulo. Kapwa dinala ang mga nasagip sa isang gusali. Nanginginig pa sa sobrang lamig si lolo Ernesto na halatang namayat. Takam na takam din niyang kinain ang tinapay na ibinigay ng sundalong sumaklolo sa kaniya. 

Bukod sa mga terorista, kalaban ding maituturing ang pagod, lamig, at gutom na dinaranas ng mga sibilyang naiipit sa gulo. Sa retrato, nagsalo sa ilang pirasong tinapay ang lolo at ang sumagip sa kaniyang sundalo.

Kuwento ng mga nakaligtas, akala nila’y magtatagal lang ng ilang araw ang sigalot kaya hindi sila agad lumikas. Hindi nila inasahang papalo ng isang buwan ang sagupaan at mapuputol ang supply ng tubig at pagkain sa lungsod.

Ayon kay Col. Christopher Tampus, Battalion Commander ng 1st Infantry Brigade, may mga naiipit pa ring sibilyang naghahanap lang ng tiyempo para makatakas. Pero banta ngayon ang gingawa umanong pamimilit ng Maute sa kanilang bihag na magmukhang terorista. Pinagdadamit daw ng itim ang mga hostage, pinatatakbo sa gitna ng kalsada para mapagkamalang miyembro ng Maute at maasinta umano ng mga sundalo.

Hindi rin tumitigil ang pagdaplis ng mga bala sa mismong kapitolyo ng Marawi. Katunayan, nitong tanghali lang, nasapul ng bala ang sasakyang nirentahan ng ABS-CBN sa lungsod. Nasa loob noon ng sasakyan ang beteranong cameraman na si Val Cuenca. Isang upuan lang ang pagitan niya sa butas na ginawa ng tama ng bala sa sasakyan.

Hawak na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kopya ng arrest orders ng militar laban sa mga pinaghihinalaang kasabwat ng mga teroristang naghahasik ngayon ng gulo sa Marawi City.

Laman ng listahan ang halos 100 pangalan at maaaring ilan umano sa kanila ang nakatakas na papuntang Metro Manila. Dahil dito, pinulong ng NCRPO ang mga pinuno ng Muslim communities para siguruhing hindi makakalusot sa Metro Manila ang mga miyembro o mga tagasuporta ng mga terorista.

Marami sa mga lider ang nagpahayag ng pangamba pagdating sa seguridad ng kanilang mga komunidad at diskriminasyong nararanasan dahil sa mga pangyayari sa ilang lugar sa Mindanao.

Pero, sinabi ng ilang Muslim leader na mayroong miyembro ng rebeldeng grupo sa kanilang mga komunidad. Karamihan sa kanila, kinukupkop umano ng mga kaanak.

Humingi na ang NCRPO ng listahan ng lahat ng residente sa mga Muslim community sa Metro Manila para gawing database. Ito ay upang masilip kung may mga nagtatagong ‘Wanted’ sa mga komunidad. Babala ng hepe ng NCRPO, mananagot ang mapapatunayang kumukupkop sa mga kalaban ng estado at ang mga nasa arrest order ng militar. 

Nangako ang pulisya na di nila aabusuhin ang database na ito at igagalang ang karapatang pantao ng mga Muslim. Ayon sa PNP, may mahigit 200,000 Muslim ang naninirahan sa Metro Manila. 

-- Ulat nina Ron Gagalac at Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.