Barangay captain arestado dahil sa di lisensiyadong baril

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2017 09:04 AM

DAVAO CITY - Inaresto ng Toril Police ang kapitan ng Barangay Lancheta sa Tacurong City matapos makuhanan ng armas nang dumaan sa checkpoint sa Task Force Davao sa Sirawan, Toril, Davao City, Miyerkoles ng hapon.

Magsusundo lang sana si Barangay Captain Bernardo Umadhay sa kanyang kapatid sa F. Bangoy International Airport sa Davao City nang maaresto siya sa checkpoint.

Ayon sa Toril Police, nakita ang kalibre .45 na baril at 21 bala sa ilalim ng upuan ng kanyang minamanehong sasakyan.

Napag-alaman rin ng pulisya na walang papeles ang baril na dala ni Umadhay.

Ayon kay Umadhay, nakalimutan niyang itago ang baril dahil nagmamadali na sila papuntang Davao pero di nito inamin na walang lisensiya ang kanyang armas.

Ayon kay Senior Inspector Ricky Fornolles, kahit may lisensiya ang mga armas, bawal pa rin itong dalhin dahil sinuspindi muna ang permit to carry ng mga baril sa Mindanao dahil sa martial law at pawang mga men in uniform lang ang may karapatang magdala ng armas.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o illegal possession of firearms and ammunitions si Umadhay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.