8 patay sa bakbakang BIFF-militar sa Cotabato

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2017 07:12 PM | Updated as of Jun 23 2017 05:43 PM

Walo ang patay at 10 ang sugatan sa sagupaan ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at puwersa ng gobyerno sa Pigcawayan, North Cotabato na nagsimula kahapon ng Miyerkoles.

Kinumpirma naman ng militar na may mga sibilyang ginawang human shield, pero nailigtas din sila kagabi. 

Napasok na rin ng mga awtoridad ang mga barangay na inookupa ng BIFF kung saan sinira ang mga gamit sa paaralan, simbahan, at bahay ng mga residente. 

Nasawi sa bakbakan ang isang sibilyang kinilalang si Tuan Dading Ismael, at ang isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) na si Abraham Kutay. 

Kitang kita ni Lorejane Kutay kung paano pinatay ang asawa niyang si Abraham na katatapos lamang mag-ensayo para maging isang CAFGU.

"Noong una, gusto ko lang i-comfort 'yung mga anak ko na 'okay lang iyan'. Pero noong nasa school na kami, doon ko naisip na wala man lang kaming nagawa para iligtas siya. Iniwan namin siyang mag-isa," kuwento ng nabiyuda.

"Wala kaming kasalanan sa kanila. Minsan na ring iniligtas ng asawa ko ang mga buhay ng mga kauri nila," dagdag pa niya.

Matapos patayin ng BIFF ang asawa, dinala umano sila ng mga rebelde sa Malagakit Elementary School kasama ang iba pang sibilyan. 

"Ipinahiwalay ang Christian sa Muslim, tapos doon lang kami hanggang sa hindi namin namalayan na wala na kaming kasama," ani Kutay. 

Sa tala ng militar, anim ang napatay at walo naman ang sugatan sa panig ng kalaban. Dalawa naman ang sugatan sa panig ng gobyerno. 

Kinumpirma naman ng militar na nasa 30 indibidwal ang ginamit ng mga BIFF bilang 'human shield'.

"Noong bandang hapon na, doon talaga natin na-confirm na mayroon silang hinostage na around 30 civilians dito sa eskuwelahan. Noong nalaman natin, pinush natin sila nang pinush," ayon kay Brigadier General Manolo Samarita, komander ng 602nd brigade.

Eskuwelahan, simbahan, mga bahay, napasok na ng militar

Kaninang umaga, itinaas na ang watawat ng Pilipinas sa Malagakit Elementary School, ang paaralang sinalakay at pinuwestuhan ng mga miyembro ng BIFF kahapon.

Napasok na rin kasi ng mga awtoridad kaninang umaga ang nasabing eskuwelahan.

Naabutan ng mga awtoridad ang butas butas na dingding ng ilang silid-paaralan, kalat-kalat na mga basyo ng bala sa paligid, at basag na TV, computer set, at salamin ng mga bintana. 

Mayroon ding mga nakasulat sa dingding gaya ng 'Andito na ang BIFF'. 

Sinunog ang mga retrato nina Pangulong Rodrigo Duterte, at nagbanta ring pupugutan ng ulo ang pangulo. 

Napasok na rin ng BIFF ang simbahan, at nakita roon ang sinirang mga imahen ng mga santo at binuhos na mga ostiya. 

Sa katabing hall naman ay sinulat sa dingding ang mga salitang 'ISIS'. Nagbanta rin ang mga rebelde na isusunod na ang Davao City. Sinabi ring kasama umano nila ang mga nasa Marawi City. 

Pinasok din ng mga rebelde ang bahay ng mga sibilyan. Pinagpupukpok umano ng mga rebelde ang mga santo at binaril ang mga alagang hayop.

Patuloy pa rin naman ang pagtugis ng mga awtoridad sa mga rebelde. 

Sinisikap na ring maibalik ang mga residente sa kanilang mga tahanan sa susunod na mga araw. Kasalukuyang nasa 312 pamilya o 1,370 indibidwal ang nasa mga evacuation center ng bayan. 

-- Ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.