2 illegal recruiter na nambiktima ng higit 100 aplikante, pinaghahanap na

ABS-CBN News

Posted at Jun 22 2017 08:32 PM

Tinutugis na ang dalawang illegal recruiter na nambiktima ng mahigit 100 aplikanteng nais makapagtrabaho sa ibang bansa.

Kabilang dito ang biktimang natangayan ng mahigit P3,000 matapos makatanggap ng e-mail mula sa isang agency.

Balak sana ng biktima na pumunta ng Canada para magtrabaho.

Ginamit ng mga suspek ang agency na International Multi Services Incorporated (IMSI) at pangalan ng presidente ng kumpanyang si Richard Agbayani.

Hindi naghinala ang biktima dahil rehistrado sa Philippine Overseas Employment Agency ang recruitment agency.

Natukoy ang dalawang kumukolekta ng pera.

Sa nakuhang CCTV sa remittance center noong Hunyo 6, nakita ang isang lalaki na nagpi-fill-out ng form at nakakuha ng pera.

Sa hiwalay na araw naman, nakunan ng litrato ang isa pang lalaki na kumolekta rin ng pera sa isa pang remittance center.

Pareho nilang ginamit ang pangalan ng presidente ng IMSI na si Richard Agbayani.

Nananawagan si Attorney Raphael Calinisan, abugado ng IMSI, na makipagtulungan para mahuli ang mga sindikato. – Umagang kay Ganda, 22 June 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.