Teachers' group may agam-agam sa DepEd order ukol sa pagpasok

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2020 05:33 PM

Inilatag ng grupong Alliance of Concerned Teachers ngayong Linggo ang kanilang mga hiling sa Department of Education para matiyak ang kanilang ligtas na pagbabalik sa trabaho. ABS-CBN News

MAYNILA - Pumalag ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa department order ng Department of Education (DepEd) kaugnay ng work arrangement ng mga guro. 

Sa ilalim ng revised guidelines on alternative work arrangement, papayagan ang mga undersecretaries, assistant secretaries and regional directors ng ahensiya na magtakda ng bagong work arrangement sa kani-kanilang mga jurisdiction.

Sa ilalim ng guidelines, pinapayagan ang physical reporting o pagpasok ng 50 porsiyento ng work force ng mga guro at mga kawani ng paaralan sa buong bansa.

Pero iginiit ngayong Linggo ng ACT Philippines na wala umanong malinaw na health protocol ang DepEd.

Isinusulong ng ACT na magkaroon ng medical screening sa mga papasok na mga empleyado.

Hiniling din ng grupo ang mass testing, ligtas na transportasyon, katiyakan sa usapin ng kalusugan at sanitasyon, libreng face mask at iba pang protective equipment, sick leave ng mga guro, laptop at monthly internet allowance, at medical fund para sa libreng pagpapagamot sa mga magpopositibo sa COVID-19.

"Mahalaga na makita nila o masuri nila ang mga kawani o gurong ito ay fit to work o kilangang kailangan ng humarap sa kabtaan at mga magulang," ani Solita Daz, miyembro ng ACT sa National Capital Region (NCR).

"Ang maraming paaralan lalong-lalo na sa NCR at iba pang mga lugar ay ginamit bilang mga distribution sites, pamimigay ng ayuda at iba pa ginawa bilang swab testing area. Kailangan na matiyak na madi-disinfect ito," sabi naman ng miyembrong si Kris Navales.

Nauna nang inihayag ng DepEd na hanggang katapusan ng Hunyo na lang maaaring gamitin ng mga lokal na pamahalaan ang mga paaralan bilang quarantine facility para sa COVID-19 cases para maihanda ang mga pasilidad, tulad nag pag-disinfect, sakaling gamitin sa darating na pasukan.

Nakatakdang magsimula ang mga klase sa public schools sa Agosto 24, kung saan gagamit ang mga paaralan ng online platforms, digital at printed modules, telebisyon at radyo para makapaghatid ng lessons sa mga estudyante.

Ipinagbabawal ang pagsasagawa ng face-to-face classes para maiwasang malantad ang mga estudyante, guro at school personnel sa banta ng COVID-19. -- Ulat ni Bettina Magsaysay, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.